Ramdam na ang pagbabago

Bumaba ang antas ng krimen sa bansa sa kabila ng may mga nangyayaring extra-judicial killings kasabay ng pinaigting na kampanya kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Alinsunod sa ulat, isang buwan mula nang maupo sa poder si Presi­dente Rodrigo Duterte ay bumagsak ang crime incident sa 50,817 kumpara sa record noong Hulyo 2015 na nasa 56,339 ang insidente­ ng krimen kung pagbabasehan ang tala ng Philippine National Police (PNP).

Noong Hulyo 1, 2016 opisyal na nanungkulan si Pangulong Duterte matapos itong manumpa sa puwesto noong Hunyo 30.

Base sa depinisyon ng PNP ang index crimes ay kinabibilangan ng crimes against persons tulad ng murder, homicide, physical injury,­ at rape at crimes against property tulad ng robbery, theft, carnapping, at cattle rustling.

Ibig sabihin ng pagbaba ng krimen ngayong kasagsagan ng kampanya kontra iligal na droga ay may positibong resulta ang kaliwa’t kanang pagsuko at pagkamatay ng mga sangkot sa iligal na droga.

Hindi rin maitatanggi na ilang sangkot sa iligal na droga ang nasa likod ng mga tinatawag na ­index crime at dahil sumuko na ang iba habang ang iba ay sinamang-palad na masa­wi sa mga operasyon ay nabawasan talaga ang mga tinatawag na index crime.

Kaya asahan na natin sa mga darating pang mga panahon sa ilalim ng gobyernong Duterte ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng antas ng ­krimen.

Kaakibat ng positibong resultang ito ay maging aktibo sana ang ­lahat sa pakikipagtulungan sa pamahalaan partikular sa ating kapulisan para tuluyang malipol ang masasamang elemento sa ating lipunan at magkaroon tayo ng isang mapayapang komunidad.