Kinakailangan ang P10 hanggang P20 bil­yon ng naisabatas na Philippine Sports Training Center (PSTC) upang maayos na maipa­tupad at magampanan ang nilalayong makamit na makabago at siyentipikong paghahanda ng mga pambansang atleta at sa komunidad ng sports sa bansa.

Ito ang sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez kahapon bago opisyal na buksan ang ikalawang leg ng 2019 Philippine National Youth Games – Batang Pinoy Championships na Visayas Qualifying.

“It is a big job along the way even though it already had an allotted budget of P3.5 billion,” bulalas ni Ramirez. “It has to be state of the art, it must be scientific and not just for the structure but must be on all its composition. Hindi lang ito kailangan ng mga professional people kundi mga Ph.D to run it according to its mission.”

Ipinaliwanag ni Ramirez na hindi lamang nakatuon sa pagbibigay ng mga maka­bagong pag-aaral at edukasyon ang atensiyon ng PSTC kundi pati din sa paghubog ng mga bagong kaalaman para sa ikaaangat ng sports ng bansa kasabay sa pagpapaunlad sa mga pambansang manlalaro.

“Malaking trabaho ito at paspasan sa loob ng maikling panahon,” hirit ni Ramirez. “Hindi lang natin pagtutuunan ng pansin dito ang pagkakaroon ng mga propesyonal na tao kundi pati ‘yung makabagong kaala­man. Hindi pa natin alam kung saan itatayo pero kung gagastos pa tayo sa structure ay baka kailangan na lamang natin itayo ang PSTC sa Rizal Memorial o sa pasilidad natin sa Baguio.”