Kumpiyansa si Team Pilipinas Chef-de-Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez na makakapagbigay ng magandang resulta ang pambansang delegasyon sa iho-host ng bansa na 30th Southeast Asian Games 2019 simula Nobyembre 30.

“I think we can deliver miracle in the coming SEA Games,” bulalas ni Ramirez Lunes, habang umaasa na makukumpleto ang rehabilitasyon ng 13 pasilidad na pinamamahalaan — Rizal Memorial Sports Complex/Ninoy Aquino Stadium sa Manila at PhilSports Complex sa Pasig.

Inesplika ni Ramirez na ‘di aktuwal na kasama ang pagkumpuni sa tatlong malalaking pasilidad para sa SEA Games, pero dahil sa kakulangan ng competition venues napilitan aniya ang ahensiya na i-repair ang mga ito.

“Hindi po kasali ang Rizal Memorial Sports Complex sa mga lugar na dapat na gagamiting competition venue sa plano noon para sa SEA Games,” hirit ni Ramirez. “Totoo po na nasa master plan talaga ng PSC na ipa-rehabilitate ang Rizal dahil matagal na po iyun na plano at naisagawa lamang nang bigyan kami ng pondo ng PAGCOR para maipaayos namin. Gusto lamang naming tumulong sa SEA Games kaya minamadali para magamit natin dahil walang ibang makuhang venue para sa mga pag­lalabanang sports.”

Dinagdag niyang ‘di rin kasama sa P6B pondo para sa SEAG ang ginagamit para sa rehabilitas­yon ng Rizal Memorial Coliseum na gagamitin para sa SEAG gymnastics, ang Ninoy Aquino Stadium na pagdarausan ng ng taekwondo at weightlifting at ang PhilSports Arena na lugar ng men at women’s volleyball. (Lito Oredo)