Bawas suweldo pansamantala lang – PSC

Ramirez positibo sa mga SEAG athlete

Hangad ng Philippine Sports Commission (PSC) na pansamantala lang ang pagbawas ng 50 percent sa allowance ng mga atleta at coach na bahagi ng national pool ngayong may coronavirus pandemic.

“Our commitment is that once our collection from Pagcor resumes, we will return to normal,” saad ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa unang online edition ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kamakalawa.

Ipinunto ni Ramirez na masakit para sa kanila ang pagbawas sa allowance ng mga atleta. “Otherwise, if we continued with the regular allowance, we wouldn’t last until December.”

Nakakatanggap ang top athletes ng P45,000 kada buwan mula sa PSC habang ang mga nasa training pool ay may P10,000.

Malaking bahagi ng budget ng PSC ay mula sa government-owned Philippine Amusement and Gaming Corporation o Pagcor at ginagamit para sa National Sports Development Fund.

“’Pag bumalik yung pera mula sa Pagcor ibabalik din namin ‘yan sa mga atleta. That money is intended for the athletes,” giit niya sa online sports forum na mga hatid ng San Miguel Corp., Amelie Hotel, Braska Restaurant, Pagcor at Smart.

“It breaks our hearts. Pero kapag bumalik yan (NSDF) we are committed to spend it for the athletes. The purpose of that funding is to spend it,” paliwanag ni Ramirez.

Aniya pa, sa nakalipas na tatlo-apat na taon ay nakakapagbigay ang Pagcor sa PSC ng P150M kada buwan. Pero nitong Marso ay bumaba sa P99M dahil sa pandemiya at mga saradong gaming operations. (Janiel Abby Toralba)