Optimitiko sina Phi­lippine Sports Commission Chairman William Ramirez at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) co-chairman Alan Peter Cayetano na masusungkit ng bansa ang ikalawang pangkalahatang kampeonato sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nob. 30-Dis. 11.

Hinayag ng dalawang mataas na opisyal ang bagay sa pagdagsa ng suporta at tulong mula sa mga pribadong kompanya na nais na maging parte sa pinakamalaki at pinakamakasaysayang pagho-host ng isang bansa sa kada dalawang taong multi-sport meet.

Pero aminado si Ramirez na bahagyang hindi makausad ang paghahanda sa SEA Games, at mabilis itong maisasakatuparan kung tuluyang maililipat sa ahensiya ang pondong gagamitin.

“Iba itong hosting natin ngayon kasi the members of the organizing committee are different, the events are greater, and the expectations of the Filipino people are to be number 1 despite the many challenges. We want to be the champion, but unity is the heart and soul of the hosting,” ani Ramirez.

“Dumadagsa talaga ang support, the preparations are on schedule and ang major challenge talaga sa atin ngayon ay ‘yung pagbawas ng 33% ng Senado sa SEA Games [budget]. Pero pag-uusapan namin ito ng DBM, ni Executive Secretary (Salvador Medialdea), ng PSC at iba pang mga ahensiya,” pahayag naman ni Cayetano.

Hinirit niyang layu­ning ng bansa na ipakita ang bagong Pilipinas at ang mabuting pagtanggap sa mga bisita kaya dapat na masunod lang ang tamang pondong unang napagtibay lalo’t pinakamalaki ang nalalapit na SEA Games.

“And it’s so hard to do the planning kung in the middle of the preparations ay tatanggalan ng 33% plus delayed pa. Kasi dapat January nagagamit na natin ‘yung budget but, having said that, sports is all about challenges, at bilang mga Pilipino ‘di naman tayo papayag na mapahiya tayo,” panapos niya.