RC

Tututok ang Philippine Sports Commission sa apat na malaking programa para sa taong 2019 matapos ang naisakatuparang tagumpay sa papatapos nang 2018.

Nakapaloob ito sa Paskong mensahe ng PSC Board of Commissioners na binubuo nina Chairman William Ramirez at Commissioners Arnold Agustin, Charles Raymond Maxey, Ramon Fernandez at Fatima Celia Kiram.

Anila, gaya sa taong ito’y palalakasin ng national sports agency ang mga internal bureau, isasainstitusyon na ang Philippine Sports Institute, pagdaragdag ng regional offices at babalangkas ng Philippine Sports Training Center sa Pangasinan.

“As we face the New Year, we hope to continue strengthening internal bureaus as we bid stronger and wider presence in the country with the establishment of regional offices and the institionalization of the Philippine Sports Institute with the Philippine Sports Training Center,” pahayag ng limang opisyal na pinoste na rin sa PSC Facebook account.

Ilan sa mga tinukoy na pumatok na mga ginawa ng Komisyon sa kabila nang maraming balakid, ay ang pagtatatag ng Sports Development Highway sa pakikipagtambalan sa Department of Education, Local Government Units, Collegiate and University Sports Association, mga National Sports Association, Philippine Olympic Committee at iba pang grupo.

Pagpreserba rin sa kultura sa pamamagitan ng Indigenous People’s Games, pagpapalibot sa kinilala ng UNESCO na Children’s Games kung saan may 10,000 kabataan ang naabot sa kapuluan, na may ispesyal na yugto sa isang simbahan sa Mindanao, at sa nagiyerang Marawi City;

Pagsuporta sa may 1,000 national athletes, hiwalay pa ang coaches, para sa kanilang pagkain, allowance, at pondo sa mga training at kompetisyon, pagsama sa sports science education at services, at iba pa na tuloy pa rin sa papasok na taon na rito’t punong abala ang bansa sa ikaapat na pagkakataon ng 30th Southeast Asian Games.