Isang makasaysayang aktibidad ang muling magaganap sa Limasawa Island, Southern Leyte sa pagdaraos ng ‘Coastal Children’s Games’ ng Philippine Sports Commission at Philippine Sports Institute (PSC-PSI).
Ilalatag sa Marso 31, kasabay sa selebrasyon ng ika-498 taon ng ‘1st Mass in the Philippines and Asia,’ tampok din ang iba pang aktibidad gaya ng water sports para sa kabataan.
“Young boys, who are open water swimmers from Batanes up north to Tawi-Tawi down south, will be part of the celebration of the PSC-PSI ‘Coastal Children’s Games’ in Limasawa Island, Southern Leyte,” ani PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Hinirit naman ni PSC Commissioner Ramon Fernandez na nakatalaga sa Visayas, na nakatakdang buuin ang unang Aquatics Center sa bansa sa kinukunsiderang pinakamagandang isla sa mundo at sa Sogod Bay Area ng Leyte.
Makakatuwang ng PSC ang lokal na pamahalaan ng Limasawa sa pamumuno ni Mayor Melchor Palero Petracorta at ang tinaguriang ‘Pinoy Aquaman’ na si Atty. Ingemar Macarine sa pag-iimplementa ng mga plano at programa sa water sports.
Asam maitayo ang Aquatics Center para sa sports na mga pinaglalabanan sa Asian Beach Games tulad ng beach volleyball, open water swimming, beach wrestling, sailing, canoe, kayak at rowing.