Pagtutuunang pansin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang inaasam na pagbalangkas ng Philippine Sports Training Center (PSTC) sa lalong madaling panahon.
Ito’y matapos pirmahan mahigit isang taon na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11214 o Philippine Sports Training Center Act na kabilang sa prayoridad para sa sports ng bansa.
Nag-aatas ang batas ng pagtatayo ng isang state-of-the-art sports training facility na kumpleto sa mga amenity na angkop at kumporme ‘di lang sa pangangailangan ng mga national athlete, coach at referee para maabot ang pinakamataas na lebel at kalidad na pagsasanay na magbibigay sa bansa ng mabuting resulta mula sa paglahok sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon.
Hangad ng PSTC na makamit ng mga atleta ang pinakaaasam na unang medalyang ginto sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan, sa Asian Games, World Championships, World Cup, SEA Games at iba pa.
“We are doing our best to make this long-time dream come true,” sabi ni PSC Chairman William Ramirez nitong Martes.
Ang PSC ang magpapatakbo sa PSTC kasama ang administrative work, security, personnel at overall function nito, base rin sa batas.
Itinakda ang pondong P3.5 bilyon mula sa General Appropriations Act (GAA) para sa pagpaplano, implementasyon at pagbuo sa PSTC.
Nauna nang nagpahayag ang Rosales, Pangasinan ng interes para maging main hub ng PSTC. May interes din ang Tarlac at Bataan.
“We are grateful for the support and interest that we are receiving from different LGUs. We are studying possibilities and best options” panapos na pahayag ni Ramirez.(Lito Oredo)