Don Ramon ligtas na

Naging paksa ng kuwentuhan ng aming mga kaibigan ang muling pagkaligtas ni dating Senador Ramon Revilla, Sr. sa isang kundisyong akala ng marami ay hindi na nito malalampasan dahil sa kanyang edad na nobenta’y tres.

Nang isugod ang poste ng pamilya Revilla sa ospital dahil sa hirap na makahinga ay tinubuhan agad ang respetadong beteranong aktor.

Humingi agad ng panalangin ang kanyang mga anak, sa pangunguna ni Senador Bong, para sa kaligtasan ng kanilang ama. Alalang-alala ang magkakapatid dahil natiyempo pa naman ang pagpapaospital ni Tito Ramon sa kasagsagan ng corona virus.

Pero dalawang araw lang pagkatapos ay nakabawi agad ang senior star na pinaniniwalaan ng ating mga kababayan na mayhawak pa ring anting-anting hanggang ngayon.

Bakit nga naman, ilang pagkabingit na ba sa hindi magandang kundisyon ang kanyang nalampasan, kung hindi raw totoong may agimat si Tito Ramon ay baka matagal na tayong iniwan ng kanilang idolo?

Totoong-totoo ang agimat ng kanyang ama, sabi ni Senador Bong, ‘yun ay ang matinding pananampalataya sa Diyos. Idagdag pa ang kagustuhan nitong mabuhay, ang matindig pakikipaglaban, talagang kayang-kayang malusutan ni Tito Ramon ang pang-iimbita para sa kanyang habambuhay na pamamahinga.

Nagtatawid ng pasasalamat ang magkakapatid na Revilla sa lahat ng mga nakiisa sa kanila sa panalangin na sana’y malampasan ni Tito Ramon ang panibagong paghamong ito.

Isang patunay ‘yun na napakalaki talaga ng nagagawa ng panalangin, gumagawa ng himala ang sama-samang dasal, lalo na kung sinsero at mula sa puso.

Isa-isa nang tinatanggal ang mga aparatong nakakabit sa katawan ni Tito Ramon, nakakakilala ang beteranong aktor, saludo sa kanya ang mga doktor dahil minsan pa’y nakaligtas na naman ang kanilang pasyente sa isang senaryong hindi kinakaya ng marami.

Apo ni Nora katapat ni Vilma

Matapang si Janine Gutierrez. Sa hanay ng mga kabataang artista ngayon ay siya ang pinakalantad ang mga saloobin tungkol sa mga kaganapan sa ating bayan.

Kung ang iba’y pumoposisyon pa sa kung saan sila hindi maba-bash ay walang pakialam si Janine, talagang sinasabi niya ang kanyang opinyon, bukas ang pintuan niya sa mga bashers at trolls.

Ibig sabihi’y mulat siya sa mga nangyayari, hindi hanggang pag-arte lang ang kanyang alam, nakikilahok siya sa mga usaping pambayan.

At kapansin-pansin na ang kanyang kinokontra ay malalaking personalidad lang. Una ay si Senador Bong Revilla kung saan siya kumakain ng pamba-bash mula umaga hanggang gabi.

Ngayon naman, kahit wala siyang binanggit na pangalan ay bigay na bigay na si Congresswoman Vilma Santos ang kanyang tinutukoy sa may reserbasyong pagboto ng yes sa Anti-Terror Bill, may iba pa ba?

Sabi ng isang kaibigan namin, “Si Janine lang pala, ang apo ng kumare ni Congresswoman Vilma, ang katapat niya!

“Commendable si Janine, matapang, hindi siya natakot na banggain si Cong. Vilma na trapong-trapo na ang dating! Parang nawawala na ang paninindigan niya.

“Nasaan na si Sister Stella L at si Amanda Bartolome ng Dekada ’70 na punumpuno ng paninindigan?” komento nito.

Sa restaurant lang daw kasi tanggap ang reservation, hindi sa pagdedesisyon, kung hindi isandaang porsiyento ang paniniwala ay huwag na lang bumoto.