Sino man ang iharap sa 7-foot-3 behemoth na si PJ Ramos, walang nakapigil sa pananalasa para pangunahan ang Alab Pilipinas sa paggarote sa Singapore Slingers, 80-70, sa 9th Asean Basketball League (ABL), Linggo sa OCBC Arena, Singapore.
Nakakadikit pa ang Slingers hanggang third quarter, pero bumomba ng 15-4 scoring blitz sa pangunguna ng siyam na puntos ni Ramos para ilayo ang ‘Pinas, 67-55.
Sumungkit ang Puerto Rican ng 22 points, 17 rebounds, apat na blocks at tatlong assists para maiwasan ang back-to-back loss ng Pinoy quintet ngayong season.
Nakatuwang din ni Ramos si Renaldo Balkman na iniskor ang pambaon na tres para sa Alab sa huling 50.9 segundo ng laro. Tumapos siya ng may 28 puntos, walong rebounds at anim na assists.
Para naman sa mga local player, nanguna si Lawrence Domingo na nagpinta ng 12 points, limang rebounds at dalawang assists, habang nalimitahan si Bobby Ray Parks, Jr. sa anim na puntos, pitong rebounds at apat na assists.
Dalawa ang napuruhan sa nasabing laban, hindi nakasalang si Caelan Tiongson dahil sa sprained ankle, at kinailangang lumiban ni Brandon Rosser noong second quarter dahil sa tama sa kaliwang tuhod.