Umalis na kahapon patungong Hong Kong si dating Pangulong Fidel V. Ramos upang buhayin ang ugnayan ng bansa sa Beijing na umasim dahil sa territorial dispute sa South China Sea.
Si Ramos, 88-anyos, ang hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang envoy para makipag-usap sa Beijing.
Binigyang-diin ni Ramos na hindi siya magsisilbing negosyador kundi hangad niyang mabuksan muli ang dayalogo sa pagitan ng China at Pilipinas.
“I am just the icebreaker, to rekindle, to warm up again our good, friendly relations with China,” pahayag ni Ramos na nagsilbing pangulo mula 1992 hanggang 1998.
Lumamig ang ugnayan sa pagitan ng Manila at Beijing matapos ilabas ng United Nations-backed tribunal ang desisyon nito na pabor sa Pilipinas kaugnay ng inaangkin ng China na mga teritoryo sa South China Sea.
Ayaw kilalanin ng China ang naging desisyon ng tribunal.
Sinabi ni Ramos na makikipagkita siya sa loob ng apat hanggang limang araw sa mga dating Chinese contacts na mga dating mga opisyal ng gobyerno nito na nagtatrabaho na ngayon sa pribadong sektor.