Random drug test paiigtingin ng NCRPO

abante-tnt-vismin-drug-test

Planong paigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagsasagawa ng mga random drug testing sa kanilang hanay matapos ang pagkakahuli ng isang lady Special Action Force (SAF) trooper habang bumabatak sa Taguig City nitong nakaraang Biyernes.

Ayon kay bagong u­pong hepe ng NCRPO Chief Supt. Guillermo Eleazar, plano niyang muling magsagawa ng mga random drug test sa hanay ng kapulisan sa Metro Manila matapos ang pagdakip kay PO3 Lynn Tubig, na naaktuhan habang bumabatak kasama ang dalawang lalaki sa Purok 6, Tuktukan, Taguig City nitong nakaraang Biyernes.

Si PO3 Tubig ay iprinisenta ng Philippine National Police (PNP) chief Director Gene­ral Oscar Albayalde sa Camp Crame sa isinagawang press briefing kahapon.

Inamin naman ni Tubig, 11 taon nang nasa serbisyo bilang miyembro ng SAF, na may ilang buwan na umano siyang gumagamit ng iligal na droga dahil sa depresyon.

Ayon kay Eleazar, sa muling pagsasagawa ng random drug test ay sisiguraduhin ng ahensiya na maisasama ang mga pulis na nakalusot sa mga unang drug test.

Tiniyak ni Eleazar na magiging walang-awa ang liderato ng PNP sa mga pulis na mahuhu­ling gumagamit ng droga.