Inalis ng Department of Education (DepEd) ang pangamba ng mga magulang sa isasagawa nilang random drug testing sa mga estudyante sa pampubliko at pribadong high school sa bansa.
Ayon kay Education Undersecretary Jesus Mateo, magiging ‘confidential’ lamang ang resulta ng gagawing pagsusuri at bago tuluyang isagawa ang random drug test ay magdaraos muna sila ng isang parent-teacher conference upang maipaliwanag sa mga magulang ang kahalagahan ng pagsusuri sa kanilang mga anak at kung paano ang prosesong gagawin dito.
Siniguro rin ni Mateo na hindi malalagay sa kahihiyan ang mga batang sasailalim sa drug test dahil titiyakin nilang hindi maisasapubliko ang magiging resulta ng pagsusuri sa kanila.
Hindi rin naman aniya gagamiting ground para sa expulsion o disciplinary action sakaling matuklasang positibong gumagamit ng ilegal na droga ang isang mag-aaral at lalong hindi ito magre-reflect sa kanyang academic record o magagamit para masampahan ito ng anumang legal na aksyon.
Batay sa inilabas na guidelines ng DepEd, inaatasan ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na magsagawa ng random drug testing sa mga high school students simula ngayong taon.
Layunin ng pagsusuri na matukoy kung gaano na kalaganap o karami ang drug users sa paaralan para makagawa ng kaukulang hakbang at matulungan ang mga mag-aaral na matutukoy na gumagamit ng ilegal na droga.
Inaasahang ngayong taon ay masisimulan na ang random drug testing sa mga pribadong paaralan.