Si Randy Santiago, excited sa muli niyang pag-arte sa La Luna Sangre kahit sinasabing puro kalokohan lang ang role niya roon.
Nang usisain kung bakit iniwan niya ang Wowowin bilang direktor, nilinaw niya na maayos ang naging pagpapaalam niya roon lalo na kay “Kuya Wil” (Willie Revillame).
Saka para maiba naman, aarte siya uli sa La Luna Sangre.
Dahil sa kanila ni Joross Gamboa, ang saya raw sa taping ng La Luna Sangre dahil puro kalokohan ang dalawa.
***
MASAYA ang atmosphere sa ABS-CBN main building hallway noong isang gabi.
Bukod sa grand press conference ‘yon ng La Luna Sangre na magpa-pilot telecast na sa Hunyo 19, may taping din si Judy Ann Santos para sa Bet On Your Baby.
Katatapos din lang ng look-test ng Star Cinema movie na Wife, Husband, Wife nina Richard Gutierrez, Angel Locsin at Angelica Panganiban.
Hindi na umalis pa sina Richard at Angel sa Kapamilya network compound at naghintay na lang para sa pagsisimula ng kanilang presscon.
Dahil nainip sa pagsisimula ng presscon, pinuntahan pa ni Richard si Angel sa dressing room nito.
Maya-maya lang, nag-join sa kanila si Gelli de Belen, kaya ang saya na sa dressing room ni Angel.
Sa kabilang dressing room, nandoon ang nanay ni Juday na si Mommy Carol Santos.
Hindi raw sumasama si Mommy Carol kay Juday, pero may importante siyang dinala sa anak, kaya hihintayin na niya si Juday hanggang matapos ang taping.
“Nakita ko kanina si Chard, nagpa-picture nga ako. Nakakatuwa na nandirito na rin siya sa ABS-CBN,” sey ni Mommy Carol.
Maya-maya lang, nakita ni Mommy Carol si Daniel Padilla na katabi lang ng dressing room ni Juday ang dressing room, kaya lumapit ang anak ni Karla Estrada sa nanay ni Juday.
“Kanina lang, nandito ang Mommy mo,” sey ni Mommy Carol kay Daniel.
Nagpa-picture si Mommy Carol kay Daniel at ipapakita raw niya sa kanyang mga apo ang pictures na kasama niya sina Daniel at Richard.
“Ipapakita ko kay Yohan, matutuwa ‘yon,” sey ni Mommy Carol.
***
O, ‘di ba, hindi na lovelife ang pinag-uusapan ngayon kay 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach kundi ang sigalot sa pagitan niya at ng second family ng yumaong ama niya na si Uwe Wurtzbach.
Pinagpipiyestahan ng netizens ang mga pahayag sa Facebook ng isang Robie Asingua na nanay ng half-brother ni Pia na si Alexander Wurtzbach dahil sa sinasabing “kasinungalingan” ng beauty queen sa life story nito na ipinalabas noong Sabado sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN.
Kung palaban sina Robie at Alexander, may tagapagtanggol si Pia.
Matapang ang nakababata niyang kapatid na si Sarah Wurtzbach dahil sumagot ito sa mga pino-post ni Alexander.
Sa takbo ng mga pangyayari, mukhang matagal-tagal pa ang sigalot na ito sa pamilya ni Pia, ‘noh?!