Isang malaking pagkakamali na inakala ng isang babaeng ligtas siya sa posibleng kapahama­kan matapos made­tine sa istasyon ng pulisya sa Barangay Poblacion, Marilao, Bulacan, sapagkat sa mismong presinto ito napahamak nang gahasain umano ng isang bagitong pulis.

Sinibak na kahapon ni P/Senior Supt. Romeo M. Caramat Jr., Bulacan police director ang inireklamong pulis na si PO1 Marc Anthony Mendoza, bilang desk officer ng Marilao police station. Tinanggalan na ito ng tsapa at dinisarmahan matapos positibong ituro ng nagreklamong biktima na itinago sa panga­lang Babe, 24, residente sa nasabing lugar.

Kaagad naman na kinuhanan ang biktima ng sinumpaang-salaysay para sa pormal na pagsasampa ng kasong kri­minal laban sa suspek na si PO1 Mendoza na kinilala niya sa police line-up bago ito dinala sa Bulacan provincial crime laboratory office upang makuhanan ng genital examination.

Sa reklamo ng biktima ay nabatid na naganap ang insidente noong nakaraang Biyernes ma­tapos itong arestuhin ng Marilao police dahil sa kasong estafa bago ito dinala sa isang cubicle malapit sa radio room ng Marilao police station. Kinagabihan ay nilapitan umano siya ng duty officer na si PO1 Mendoza.

Sinabi pa na pinatay ng suspek ang ilaw at saka niyakap ang biktima hanggang sa tulu­yan umano itong molestiyahin.

Dahil sa matinding takot na may gawing masama sa kanya ang pulis kaya idinulog niya ang pangyayari at nagreklamo sa tanggapan ni P/Senior Supt. Caramat sa Malolos City.

Mariin namang iti­nanggi ni PO1 Mendoza ang reklamo at ­iginiit na gumagawa lamang ng kuwento ang nagre­reklamong si Babe laban sa kanya, dahil mayroon umano itong matinding pangangailangan sa pera bunga ng kinakaharap na kasong estafa.