7 lumaspag nagpiyesta sa group chat
Lumalim at lalong nadiin ngayon ang anim na suspek sa panggagahasa sa dalagitang unica hija nang makita sa cellphone ng isa sa mga suspek ang group chat ng grupo na naglalaman ng masaya pang usapan ng mga ito sa ginawang kahalayan sa biktima.
Isang sex video rin ang nakita ng pulisya mula sa cellphone kung saan nahagip ang mukha ng biktima.
Kaugnay nito’y bumagsak na sa kamay ng Manila Police District-Police Station 1, ang ikaapat sa pitong suspek sa ‘gang rape’ sa 16-anyos na itinago sa pangalang Janna kamakalawa nang hapon sa may Lacson St. Tondo, Maynila. Sa inisyal na report ay anim ang sinasabing suspek ngunit lumitaw ngayon na pito ang salarin.
Kinilala ni P/Supt. Rey Magdaluyo, hepe ng Raxabago Police Station 1 (PS-1) ng Manila Police District (MPD), ang naarestong suspek na si John alyas ‘Jomel,’ 19, taga-Tondo.
Bukod kay Janna ay may iba pang babaeng ginahasa ang mga suspek at ginawan pa ng sex video.
Modus operandi umano ng grupo na kaibiganin muna ang kanilang bibiktimahin at pagkatapos ay iimbitahang makipag-inuman na hahaluan nila ng droga at kapag nawalan na ng malay ay hahalayin at ibi-video.
Nag-ugat ang pagkakaaresto kay Jomel nang unang malambat ng pulisya sina Anthony Gonzales, 25, at magkapatid na Prince at Paul, 18, sa kanilang tirahan sa Tondo kamakalawa.
Itinanggi naman ni Gonzales na sila ang mga lalaking nakuhanan sa video at sa halip ay tinukoy si Jomel na siyang nag-video at huli umanong gumahasa sa biktima.
Ikinaila rin ni Jomel na kasama siya nang gabing gahasain ang biktima pero inaming ‘nagalaw’ rin umano niya ito kinabukasan ngunit hindi aniya rape ang nangyari.
Sinabi pa ni Jomel na nobya niya ang biktima at nagpasama ito sa kanya para hanapin ang kanyang dalawang cellphone at nang magpahinga sila sa kanyang bahay ay may nangyari sa kanilang dalawa, na sinasabing kinunan rin umano nito ng video.
Magugunita na sa salaysay ng biktima na noong Martes ay niyaya umano siyang makipag-inuman ng mga suspek. Nang makailang tagay ay nawalan na siya ng malay kung saan isinagawa ang panggagahasa.
Umapela naman ng tulong ang ina ng biktima kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng unica hija. (Juliet de Loza-Cudia)