Nanawagan ang pulis­ya sa mga magulang na bantayan ang mga anak at huwag payagang duma­lo sa mga pistahan lalo na kung walang kasamahang matatanda.

Ang apela ay ginawa ng Libon police sa Albay kasunod ng naitalang kaso ng rape-slay sa isang 17-anyos na dalagitang dumalo sa piyestahan sa isang barangay sa nasabing bayan.

“’Pag mga malalayong lugar, ‘wag nang payagan ang mga bata lalo’t madi­lim na. Sa bahay na lang para makaiwas sa ganitong pangyayari,” paha­yag ni PO2 Maribel Maronilla ng Libon Police Station.

Sa tinanggap na ulat ng Libon Police, sinasabing ni-rape muna bago brutal na pinatay ang 17-anyos na dalaga sa bayan ng Libon sa Albay kamakalawa na itinago sa pangalang ‘Ivy’.

Narekober ang hubad na bangkay ng Grade 11 student sa isang bakanteng lote nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa report ng Albay Police Provincial Office (APPO), Biyernes ng hapon nang umano’y magpaalam ang biktima sa kanyang mga magulang para mamiyesta sa Barangay Salvacion pero hindi na ito nakabalik ng bahay.

Sa parehong barangay ay natagpuan ang biktima na puno ng tama ang ulo na hinihinalang pinukpok ng matigas na bagay habang ang cellphone nito ay nakita sa loob ng palikuran.

Dinala sa Legazpi City ang labi nito para matiyak kung ito ay halinhinang ginahasa.

Samantala, nananati­ling blangko ang mga awtoridad sa kung sino ang responsable sa krimen.

Humingi naman ng tulong ang pamilya sa mga posibleng nakakita sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad.