Rape suspect namaril sa presinto, bata tinamaan ng ligaw na bala

Isang 8-anyos na bata ang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa nagwala at namaril na rape suspect habang iniimbestigahan sa loob ng Police Community Precinct (PCP) sa Dasmariñas City, Cavite.

Kapwa isinugod sa Pagamutan ng Dasmariñas City subalit idineklarang dead-on-arrival ang suspek na Justine De Guia, nasa wastong edad at taga-Block 25, Lot 5 Ext., Brgy. Luzviminda 2, Dasmariñas City, Cavite.

Tinamaan naman ng ligaw ng bala ang batang si ‘Makmak’ taga-Cavite.
Sa ulat ni PSSg. Richard Domingo ng Dasmariñas City Police Station, bago ang insidente ay nagsumbong ang isang Natalie Rose Yunching na umano’y pinagbantaang papatayin ng suspek nang nalaman na itinuloy ang rape case laban sa kanya.

Agad namang rumesponde ang Burol PCP 10 sa lugar kung saan inimbitahan ang suspek sa PCP.

Habang iniimbestigahan, bigla umanong dinukot ang nakatagong baril sa loob ng kanyang brief at tinangkang pinaputukan ang isa sa mga pulis
subalit nagmintis saka ito tumakbo palabas at nagpaputok dahilan upang magkabarilan hanggang sa tinamaan ang suspek. Sa gitna ng engkuwentro ay tinamaan si Makmak na noon ay naglalaro.

Ang insidente ay naganap alas-12:30 kamakalawa ng gabi. (Gene Adsuara)