Rapid test kits nagkakaubusan

Inamin ng Malacañang na hindi kaya ng gobyerno na maisailam sa COVID test ang lahat ng mga Pilipino dahil nagkakaubusan sa supply ng rapid test kits.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sapat ang supply sa rapid testing sa coronavirus disease 2019 dahil mismong ang China ay hinaharang na ang paglabas ng supply matapos muling bumalik ang problema ng COVID sa Wuhan City.

“Napaka-hirap na ngayon sa Tsina maglabas ng rapid test kits dahil sila mismo gustong i-test ang lahat ng mga Tsino,” ani Roque.

Bukod sa China, binibili na rin aniya ng Amerika ang lahat ng puwedeng mabiling rapid test kits para sa kanilang mamamayan dahil sa mataas na kontaminasyon at mga namamatay sa COVID-19 sa Estados Unidos.

Bukod sa rapid test kits sinabi ni Roque na kulang pa rin ang Polymerase Chain Reaction (PCR) testing centers sa bansa kaya tumutulong na rin ang pribadong sektor para sa mass testing .

“Trenta pa lang ang testing laboratories natin, ang gusto nating mangyari hindi bababa sa nobenta iyang mga PCR testing centers natin,” dagdag ni Roque.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Malacañang sa pribadong sektor dahil gumagawa na ng sariling inisyatiba para masuri ang kanilang mga mga empeyado gaya ng Project ARK na pinamumunuan ni Dra. Menguita Padilla.

Ayon kay Dra. Padilla, marami na silang mga lugar na na-testing sa COVID -19 gaya ng Lungsod ng Maynila, Makati City,Quezon City,Pasig City at Antipolo City.

Nakalinya namang isailalim sa mass testing ang mga lugar ng Muntinlupa City, Taguig City, San Mateo,Rizal at sa ilang lugar sa lalawigan ng Batangas.

Nilinaw naman ni Roque na hindi inoobliga ng gobyerno ang mga employer o mga may-ari ng mga pribadong kumpanya na ipasuri ang kanilang mga empleyado bago muling papasukin sa trabaho at sariling inisyatiba na ng mga ito kung i-rapid test ang kanilang mga manggagawa.