‘Rapist-killer’ ng kolehiyala syut sa selda

“Makakamtan ko lang ang hustisya kung nakita kong patay na siya.”

Ito ang galit na sinabi ni Bernard Saplan, ama ng 18-anyos na si Bernadeth Saplan na ginahasa at pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ng suspek na si Jerick Gonzales sa Dagupan City noong Sabado nang gabi.

Noong Martes, nagharap ang ama ng biktima at suspek sa Dagupan City Police Office (DCPO) sa harap ni Pangasinan Police Provincial Office acting director PCol. Redrico Maranan kung saan hindi napigilang sapakin ni Bernard ang suspek na napigilan ni Maranan.

Si Gonzales ay naaresto ng DCPO investigation team sa Mangatarem, Pangasinan matapos umanong gahasain at patayin sa sakal si Bernadeth sa loob ng Bonuan Blue Beach Subdivision sa Dagupan City noong Sabado.
Ayon kay Maranan, malaki ang naitulong ng CCTV na nakitang hinabol pa ng suspek ang biktima bago mangyari ang insidente.

Si Bernadeth ay freshman college student ng University of Pangasinan.

Bago ang krimen ay nagpaalam umano ang biktima sa ama na dadalo sa debut ng isang matalik na kaibigan.

Kinaumagahan, nakita na ang bangkay ni Bernadeth na nakababa ang panloob na kasuotan. (Allan Bergonia)