Rapist nahuli sa cellphone ni Mabel

Hawak na ngayon ng Pasig City Police ang pangunahing suspek sa rape-slay kay Mabel Cama habang apat na kalalakihang sangkot din sa karumal-dumal na krimen ang pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Ayon sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director Sr. Supt. Romulo Sapitula, positibo ang Pasig City Police sa pangunahing suspek na si Randy Oavenada, guwardiya ng impounding area kung saan natagpuan ang sinunog na bangkay ng 22-anyos na biktima.

Natukoy si Oavenada na sangkot sa rape-slay kay Mabel dahil sa cellphone ng biktima.

Tumugma kasi ang mga fingerprint ni Oa­venada sa mga sample na nakita sa cellphone ni Mabel at nagpositibo pa ito sa drug test.

Nakitaan din umano ng mga kalmot sa katawan ang suspek na indikasyong nanlaban sa kanya si Mabel.

Nasa kustodiya ng Pasig City Police si Oavenada habang nagsasagawa pa ng manhunt operation sa iba pang suspek na ka­sabwat niya sa paglapastangan kay Mabel.

Batay sa report, huling nakita ng isang hindi na pinangalanang kapitbahay si Mabel bandang alas-11:00 ng gabi noong Nobyembre 10 (Biyernes) at napansin umano na may nakasunod na lalaki sa dalaga habang kumakatok ito sa gate ng kanilang compound sa loob ng impounding area na pag-aari ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Bandang alas-12:20 ng tanghali noong Nobyembre 12 (Linggo) nang matagpuan ang bangkay ni Mabel sa loob ng isang abandonadong bahay sa impounding area na ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan.

Ayon kay Senior Inspector Roberto Garcia, sunog ang kalahati ng katawan ng biktima nang matagpuan, hubo’t hubad na palatandaang ginahasa muna ito bago pinatay sa pamamagitan nang paghampas ng matigas na bagay sa kanyang ulo at mukha nito, saka sinunog.

Kamakalawa lamang ay nagpahayag ng pagka-inip ang pamilya at mga nakikiramay sa pagkamatay ni Mabel dahil sa usad-pagong na pagha­hanap ng hustisya sa sinapit ng dalaga.

Umabot na umano ng isang linggo subalit wala pang naririnig na positibong aksyon mula sa isinasagawang im­bestigasyon ng Pasig City Police sa kaso ni Mabel.

Nagtatrabaho si Mabel sa isang sangay ng Malayan Bank sa Makati City at ito rin umano ang bumubuhay sa kanyang pamilya.