Rapist ng 9-anyos sa Cainta umamin

Inamin ng nadakip na suspek ang ginawa nitong panggagahasa at tangka pang pagpatay sa 9-anyos na batang babae na natagpuang nakagapos at tadtad ng pasa at sugat sa katawan sa ilalim ng tulay sa Cainta, Rizal.

Ikinuwento rin ng nahuling suspek na si Pepito Tagal, 39-anyos, na bago ang krimen ay nagkaroon pa ito ng pot session kasama ang mga magulang ng biktima sa bahay nito. Matapos ang paggamit nito ng iligal na droga, umalis ito kasama ang bata na kusa umanong sumama sa kanya.

Matapos ang panghahalay ay inuntog pa umano ni Tagal ang ulo ng bata saka inihulog sa tulay.

Kasong rape at frustrated murder ang kakaharapin ng suspek.

Hindi nakapalag ang suspek nang arestuhin ito habang natutulog sa loob ng isang tricycle sa Brgy. San Roque sa Cubao, Quezon City, alas-11:51 Martes ng gabi. Nakumpiska sa suspek ang isang ice pick at improvised Swiss knife.

Noong una ay mariin pang itinatanggi ni Tagal ang paratang sa kanya. Nabatid naman na nakulong si Tagal nang 13 taon sa New Bilibid Prison dahil sa kasong pagnanakaw.