SINUBUKAN na­ming kapanayamin si Raquel Pempengco sa programa naming­ Showbiz Talk sa DZRH kamakalawa ng gabi pero nakiusap siyang huwag muna dahil sobrang emotional pa siya.

Marami siyang sinasagot na mga tawag at text pero hanggang doon lang muna.

Hindi pa niya ka­yang magsalita sa ere para pag-usapan ang ginawa ni Jake Zyrus o Charice Pempengco.

Pero malapit na rin daw siyang magsalita para linawin itong mga inilabas na kuwento ni Jake.

“Sobrang emotio­nal lang ako kapag pag-usapan kasi,” pakli ni Raquel nang tinanong namin kung puwede siyang interbyuhin tungkol dito.

Pinag-iisipan daw niya sa ngayon na ba­lak niyang kumunsulta sa abugado dahil balak niyang idemanda ang programang Maalaala Mo Kaya na madadamay siyempre ang anak niyang si Jake.

Matagal na nag-isip si Raquel, pero baka gawin daw niya iyun para mawasto raw ang mga pagsasalarawan sa kanya ni Jake sa huling episode na iyun ng MMK.

“Paano ‘yung unang MMK na kinuwento ni Charice na puring-puri naman niya ako du’n?

“Hindi ba naisip ng mga taga-MMK ‘yung ibang-iba siya sa unang kuwento nila?” pahayag ni Raquel.

Sinabi ng lola ni Charice na pawang kasinungalingan daw ang unang kuwento at itong huli raw ang tama.

Kaya ewan sa pamilyang ito na sila-sila, nagsisiraan!

Nakiusap na lang sa amin si Raquel na ilabas naman ang tinext niya sa amin na karagdagang mensaheng gusto niyang iparating kay Jake.

Sabi ni Raquel, “Gawin mo mang napakasama ko sa lahat, itakwil mo man ako bilang ina mo. Burahin mo man ang pangalan ko sa utak mo. Sa paningin ni Lord ako pa rin ang Mommy mo.

“Mag-iba ka man ng pangalan, magpatanggal at magpadagdag ka man ng kung anu-ano sa katawan mo, ikaw pa rin ang nag-iisa kong anak na babae na si Charmaine Clarice Pempengco.

“Ibahin mo man ang istorya ng buhay natin, mananatiling nakatatak na sa tao kung ano ang pinagsimulan mo. ‘Wag mong sasabihing hindi kita tinanggap bilang ikaw.

“Sinira ko ang pagsasama naming magkakapatid at nanay ko para iparamdam sa‘yo na lagi akong nasa likuran mo. Alam mo ‘yan, simula’t simula pa, ginawa mo akong tanga.

“Kahit ‘di ka umamin sa akin, ramdam ng isang ina kung nagsasabi ng totoo ang kanyang anak. Dahil kapirasong laman at dugo lamang kita, na dinala at iningatan ko ng siyam na buwan.”

Nagpapasalamat na rin si Raquel sa mga naniniwala at sumusuporta sa kanya.

Ang dami raw fans ni Charice na nagla-like sa ipinu-post niya sa Facebook.

Text pa niya sa amin, “Naka-2,500 na ang likes sa Facebook ko ang status update ko.

Kaya alam ko maraming nakisimpatiya sa akin lalo na ‘yung mga taong nakakilala sa akin, malapit man o hindi.

“Halos kalimitan mga Chasters fans ni Charice. Never nilang nakita na ganu’n ako kasama na inilahad ng MMK.”

Nag-post pa si Raquel ng mensahe para kay Charice/Jake Zyrus sa Facebook:

“Hindi ko inaasahan na sa pagpapalit mo ng pa­ngalan, pati pag-uugali mo, pinalitan mo na rin.

“Pangit lang na ang mga kasama mo ngayon ang malaking impluwensya sa pinaggagawa mo ngayon.

“Wala ka nang takot sa Panginoon, wala na ring dugo ko ang nananalaytay sa katawan mo. Dahil kung meron, bakit ‘di mo naiisip bakit anjan ka ngayon?

“Oo, sinasabi mo na bakit ‘di ka pa namatay noon pa? Tanong ko, alam ko ba na magkakaganyan ka ngayon?

“Lahat ng pagmamahal, binigay ko kahit nag-iisa lang ako. Kayo, binigay ny’o ba ang pagmamahal na ‘yun na dapat nagmumula sa inyo?

“Bagkus sinuklian mo pa ng poot at kahihiyan. Salamat pa rin at ‘di ko pinagsisihan na binigay kayo ni Lord sa akin. Pinanata ko kayo…

“Pero kung magkaganyan man kayo ngayon, ‘yun eh kagustuhan na ninyo….”

***

Gulat na gulat ang mga staff ng isang drama series nang nasaksihan nila ang pagtataray kay kilala at guwapong aktor ng sarili niyang driver.

Nangyari raw ito sa taping ng series na katatapos lang.

Doon kasi sa set, kanya-kanya silang dala ng tumbler para sa tubig na iniinom nila sa taping.

Inutusan ni gwapong aktor si driver na kunin ang tumbler niya sa kanyang kotse.

Kinuha naman ng driver, pero nakita niyang may laman itong kape, kaya tinapon niya ito at hinugasan.

Ang buong akala ni driver, lalagyan ito ni aktor ng tubig na iinumin.

Pag-abot ni driver kay aktor, tinanong ni aktor bakit wala ng laman ang tumbler.

Sinagot ni driver na tinapon niya, dahil ang akala eh niya lalagyan ito ng mineral water.

Nagtatalak si aktor at sa harapan ng mga staff at pinagalitan ang driver.

Sabi pa ni aktor, “Alam mo bang Starbucks ‘yun? Ang mahal nu’n!”

Nag-sorry si driver, at umalis ito.

Pumunta pala si driver sa Starbucks at bumili ng dalawang basong kape na paborito ni guwapong aktor.

Bumalik ito sa set at ibinigay ang dalawang kape sa among aktor.

Sabi ni driver, “Heto ang kape mo. Ayoko lang kasi na pinapahiya mo ako sa maraming tao!”

Hindi nakaimik si aktor sa bonggang pagtataray ng kanyang driver.

Nang sumunod na taping, ibang driver na ang kasama ni guwapong aktor.

Nahiya lang magtanong ang staff kung sinisante na niya ito o hindi na lang bumalik si driver.