LABIS na nasaktan si Raquel Pempengco sa life story ng anak na si Charice Pempengco aka Jake Zyrus sa MMK noong isang Sabado sa ABS-CBN.

Nanindigan si Jake Zyrus na totoo ang inilahad niya roon, at kinampihan ito ng kanyang lola.

Pinag-isipan ni Raquel na dumulog sa abogado, ngunit kapagkuwan ay tila nanaig ang pagmamahal nito sa anak.

Post ni Raquel sa ­Facebook, “Hangad ko na sa paglalabas mo ng mga sama ng loob mo in public natl tv eh magiging maluwag na sa dibdib mo ang lahat-lahat.

“Patawarin mo ako kung ‘yun ang naramdaman mo.

“Pero isa lang ang totoo para sa akin. Ang mag­hangad kung ano ang ikabubuti nyo.

“Pero kung dahil sa akin eh naliligaw kayo, isa lang pakiusap ko, kalimutan n’yo na naging ina ninyo ako…

“Patawad. mahal na mahal ko kayong magkapatid.”

Sariwa pa ang sugat­ sa puso ni Raquel. Kumikirut-kirot pa.

“Lilipas din ang lahat pero ang kirot, nasa puso ko at mananatili ‘yan sa isipan ko…” post pa ni Raquel sa FB.

Dasal ang kanyang sandigan sa pinagdadaanan.

Ani Raquel, “Kung masama ako sa paningin ninyong lahat at sa palagay ninyo, wala akong nagawang kabutihan at maganda sa buhay ninyo, hahayaan ko na lang na husgahan ninyo ako sa ikatatahimik ng buhay natin pare-pareho.

“Alam ko sa sarili ko ang totoo at alam ko na hindi natutulog ang Diyos…”