‘Nabubulagan lang si Charice o nadidiliman siya sa mga tinatahak niya ngayon dahil
sa mga nakapaligid sa kanya!’

GUMAGARAGAL ang boses ni Raquel Pempengco nang nakapanayam namin kamakalawa ng gabi sa programa namin sa Showbiz Talk Ganern sa DZRH.

Nakipag-usap na raw siya sa ilang abugado kaugnay sa balak niyang pagdedemanda sa Maalaala Mo Kaya (MMK) pati na rin sa anak niyang si Jake Zyrus.

Alam daw niyang may laban siya dahil sobrang sinira raw siya sa kuwentong inilabas ng MMK na inilahad ng kanyang anak.

Ipinarating namin sa kanya ang komento ng ilang abugadong nakausap namin na ABS-CBN 2 ang babanggain niya rito.

“May karapatan po ako mag-file ng Libel dahil ako ay sinisiraan nila, hindi ang anak ko.

“Karapatan ko lang ang ipinaglalaban ko. Hindi ko tinitingnan kung sino ang babanggain ko.

“Basta ang pinaglalaban ko po ‘yung karapatan ko na sinira nila,” pahayag ni Raquel.

Kasama raw siya sa kuwentong iyun at sobrang nasiraan daw siya, bakit hindi man lang daw ipinarating muna ito sa kanya ng mga taga-MMK?

“Syempre si Charice ang naglahad, at ang naglabas ang MMK.

“Hindi man lang nila ako in-inform dahil ako po ay isang karakter du’n sa MMK,” pakli ni Raquel.

Hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya ang sakit na nararamdaman niya, pero kahit mademanda niya ang kanyang anak, pinapatawad na raw niya ito.

Tinanong namin sakaling lumapit sa kanya si Jake at humingi ito ng tawad, itutuloy pa rin ba niya ang pagdemanda?

“Hindi na po niya kailangang humingi ng sorry sa akin. Maramdaman ko lang po ang yakap niya at pagmamahal niya, okay na po sa akin.

“Burado na lahat ang sama ng loob at hinanakit na nagawa niya sa akin.

“Lagi ko naman po siya pinatatawad. Galit na galit nga po ‘yung kapatid niya, eh.

Ganyan lang ang reaksyon natin dahil nandiyan tayo, pero kapatid mo pa rin ‘yun.

“Siyempre, hindi niya po akalain na ganu’n ang gagawin ng kapatid niya, eh. Sabi niya, napakasinungaling ni ate,” patuloy na kuwento ni Raquel.

Nabasa niya ang ipinost ni Jake o Charice sa kanyang Instagram na sulat para sa kanya.

“May halong kashowbizan at kaplastikan ‘yun, dahil kung mahal na mahal niya ako, bakit niya gagawin ‘yun?

“Ako, hindi ko kailangang sabihin sa public na mahal na mahal ko siya. Gusto kong ipadama sa kanya, pero siya ang luma­layo,” sabi pa ni Raquel.

***

Ayaw niyang patulan pa ang mga pahayag ng kanyang ina na kumakampi kay Charice, at sumang-ayon sa inilabas ni Jake sa MMK.

Sabi na lang ni Raquel, “Kilala ko naman po ang nanay ko. Wala akong masasabi, hindi ko kailangang buhatin ang sarili kong upuan para mapasama ang iba.

“Ang ibang tao na lang po ang magdedesisyon kung ano ‘yung tama, at sino ‘yung mali.”

Sa ngayon ay awa na lang daw ang nararamdaman niya kay Charice.

Alam daw niyang nadadala lang ito ng ilang taong malapit sa kanya at hindi ito nabibigyan ng tamang guidance.

“Naaawa po ako sa kanya. Mas lalo po akong naawa kay Charice. Kasi, nakikita po na wala tala­gang gumagabay sa kany­a nang maayos.

“Lagi po akong nagdarasal, namamanata. Lagi ko pong sinasabi sa mga nakakausap ko na ipag-pray na lang po n’yo kami.

“‘Yun na lang po ang lagi kong sinasabi sa kanila, dahil ayoko naman pong siraan ang anak ko.

“Nagawa na nga niya akong siraan, dadagdagan ko pa?

“Alam kong nabubulagan lang si Charice o nadidiliman siya sa mga tinatahak niya ngayon, dahil sa mga taong nakapaligid sa kanya,” saad ng ina ni Charice.

Open daw siya sa posibilidad na isa sa mga araw na ito ay lalapit sa kanya si Charice at uuwi ito sa kanya sa Quezon para magsama sila uli.

“Siguro po, ‘pag wala na siyang maipagmamala­ki. Always naman po nandito ako lagi, dahil ilang beses naman po niya akong iniwan saka dinatnan.

“Kilala na ako ng mga anak ko, ang pag-uugali ko, at kilala ko rin naman po sila. Kaya alam ko po nandiyan ako para mag-guide sa kanya sa tamang daan,” seryoso niyang pahayag.