Tuloy ang suspension ni Kiefer Ravena, hindi na rin siya makakalaro sa PBA sa kabuuan ng 18-month ban na ipinataw sa kanya ng FIBA matapos magpositibo sa banned substances.
Ibig sabihin ay buong season hanggang August ng susunod na taon nang magiging cheerer ng NLEX ang No. 2 pick ng Road Warriors sa nakaraang draft.
Natanggap na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang klaripikasyon mula FIBA hinggil sa suspension ng dating Ateneo star, hindi lang sa international play kundi kasama ang mga laro sa pro league.
Hindi siya puwedeng maglaro sa alinmang liga na sanctioned ng SBP, maliban sa mga aktibidad na may koneksiyon sa anti-doping.
Ipinarating sa PBA ang klaripikasyon sa special board meeting nitong Huwebes sa kanilang tanggapan sa Libis, Quezon City.
“The Board did take the decision of FIBA as very serious because it has affected one of its star players,” pahayag ni PBA chairman Ricky Vargas pagkatapos ng meeting.
Iginiit ni Vargas na bilang miyembro ng SBP, susunod ang PBA sa panuntunan nito alinsunod sa FIBA ruling sa suspension.
Hiniling din ng Board kay Commissioner Willie Marcial na busisiin kung paano tinutugunan ng ibang liga ang FIBA suspensions, at mag-organisa ng educational campaign para maiparating sa iba ang mga banned substances na nasa listahan ng World Anti-Doping Agency.