Ravena, bagong career ang golf? Goodbye Basketball!

Tuloy ang buhay sa super rookie ng PBA na si Kiefer Ravena sa kabila ng 18-month suspension na natanggap mula sa FIBA kaugnay ng pagpositibo sa tatlong banned substance na nasa listahan ng World Anti-Doping Agency nitong Pebrero.

Ayon sa 24-anyos na ace rookie ng NLEX at premyadong point guard ng Gilas Pilipinas, tuloy lang ito sa workout upang hindi ma­ngalawang sa pagbabalik sa aksiyon sa PBA kapag natapos na ang kanyang suspensiyon.

“I’m doing good naman. Workout every now and then especially ka with what happened sa akin,” kwento nito sa sports and showbiz columnist ng Abante na si Ambet Nabus sa kanyang ‘D’ Ambetable Show’ sa Abante studio kagabi.

Pero paano nga ba tinanggap ng isang sikat at batang basketbolista ang kontro­bersiyang sinapit niya? “Siguro, unang-una ‘yung pagtanggap. Sabi ko kasi, kahit papaano, dahil du’n sa nangyari, naramdaman ko pa din na blessed pa din ako dahil lumabas yung mga taong nagsusuporta sa akin.”

Patuloy din ang manlalaro sa kanyang adbokasiya na tumulong ipakalat ang impormas­yon kaugnay sa banned substance upang hindi na maulit sa ibang atleta ang nangyari sa kanya.

Bukod dito, nahihilig na rin sa larong golf si Kiefer, na isang bonding moment nila ng kasintahang dating Ateneo Queen Eagle at volleyball superstar Alyssa Valdez.

Inamin ni Ravena na sa simula ay hindi niya gusto ang paglalaro ng golf, pero katagalan, unti-unti na niya itong minamahal. “Nu’ng trinay ko (golf), sabi ko sobrang hindi ako marunong. Si­guro sa pagka-competitive ko bilang atleta sabi ko hindi puwedeng ganito. So, nagpraktis, naglaro nang naglaro hanggang sa natuto na talaga akong maglaro.”

Isa’t kalahating taon pa lang sa paggo-golf si Kiefer pero nainlab na ito sa bagong tuklas na sport. “Du’n ko naisip ‘yung wala kang ibang iniiisip. Ikaw lang tapos ‘yung golf ball. Tapos nature pa kasi sa iba-ibang golf course ka naglalaro,” wika pa nito.