Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
4:30pm – TNT KaTropa vs Columbian
7:00pm – Magnolia vs Blackwater
Parehong may importanteng agenda ang TNT KaTropa at Columbian sa paghaharap mamaya sa Ynares Center sa Antipolo.
Papagitna sa first game ang tumetersero, may 6-3 na Texters at nasa pangsiyam, may 4-6 na Dyip, bago ang bakbakan ng kasalo sa ikaanim, may 4-5 na Magnolia at nasa kailalimang 2-8 Blackwater.
Bumubuntot sa PBA Philippine Cup team standings ang TNT, sa likod ng nasa 1-2 na Phoenix Pulse (9-2) at Rain or Shine (8-3).
May dalawang laro pa ang team ni coach Bong Ravena, kapag parehong naipanalo ay tatapusin nila ang eliminations sa Top 2 at magiging twice-to-beat sa quarterfinals.
“Every game is very important for us because we have a chance na maka-top two,” giit ni Ravena. “Kaya every opportunity na dumating, we have to grab it.”
Nasa labas lang ng Top 8 sa kasalukuyan ang Columbian, pipiliting humarurot sa panalo at umasang sasapat ang 5 ‘Ws’ para makahirit ng kahit playoff sa eighth at final slot sa playoffs.
Sa unahan ng Dyip magkakabuhol sa ikaanim-ikawalao ang NLEX, Magnolia Ang Pambansang Manok at Alaska.
Kapag nanaig ang TNT kontra NorthPort sa Linggo, papalitan nila sa No. 2 ang RoS. Tinalo ng KaTropa ang Elasto Painters 100-92 noong March 2. (Vladi Eduarte)