Ravena sapaw kay Lee!

Sabong ng mga bagito! --- Napaatras sa depensa si Kiefer Ravena ng NLEX sa tirada ni Rob Herndon ng Magnolia sa PBA Philippine Cup elims kagabi sa Big Dome. (Zeke Cruz)

Mga laro sa Miyerkoles: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Phoenix Petroleum vs Rain or Shine
7:00 p.m. – Talk ‘N Text vs. Blackwater

Mainit ang mga kamay ni Kiefer Ravena, pero pagkatapos ng final buzzer ay kay Paul Lee at Magnolia Hotshots ang huling halakhak sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Nagsalansan si Lee ng 21 points mula sa 4-of-6 shooting sa labas ng arc at pinatirik ng Hotshots si Ravena at ang NLEX, 105-94.

Solo second na sa PBA Philippine Cup ang Magnolia sa 3-1 sa likod ng defending champion San Miguel Beer (3-0).

Hindi naawat sa pagtipa ng 31 points si Ravena, pero hindi rin niya naisalba ang Road Warriors sa pangalawang sunod na talo matapos umpisahan ang season-opening conference sa back-to-back wins.

“We tried to stop Kiefer pero nakakagawa siya ng paraan. At least na-limit namin ang (ibang NLEX) players,” wika ni Magnolia coach Chito Victolero.

Sumuporta ng 22 points si JR Quiñahan sa Road Warriors, pero naupo sa final 2:38 habang naghahabol ang NLEX, 102-87. Natawagan ng flagrant foul 1 si Quiñahan nang umigkas ang braso at abutin sa mukha si Rome dela Rosa.

Tumapos si Dela Rosa ng 14 para sa Magnolia, may tig-11 pa sina Rob Herndon at Aldrech Ramos.

Nilista ni Herndon ang lahat ng puntos niya sa first quarter kaya nakapagpundar ng 30-18 lead ang Hotshots at hindi na lumingon.

Nagwala naman si rookie Jeron Teng sa third quarter nang pangunahan ang pagkalas ng Alaska tungo sa pagmasaker sa Kia, 102-65.

Naglista ng 13 points si Teng sa third period nang kumawala ang Aces mula sa ­manipis na 39-34 lead sa half.

Kasabay ng arangkada sa opensa, inilabas ng Alaska ang trademark na nakakasakal na depensa at iginapos sa kakapi­ranggot na 5 points lang sa third ang Picanto.

Iniskor ng Alaska ang first 9 points ng second half bago nakasagot ang Kia sa basket ni Rashawn McCarthy, kulang 8 minuto sa period.

Sina Eric Camson at Reden Celda lang ang dalawa pang umiskor sa Kia sa period.

Kita na ang panalo ng Alaska pagkatapos ng three, 75-39.

“I thought out defensive energy was a little undirected in the first half, and in the second half it was a little more focused,” suma ni Aces coach Alex Compton.

Tumapos si Teng ng game-high 23 points, limang bataan pa ni Compton ang umiskor ng double digits sa pangunguna ng 16 ni Carl Bryan Cruz.

Angat ang Alaska sa 2-2, nabaon sa 0-4 ang Kia at humaba ang lo­sing streak sa 16 sapul pa noong nakaraang season.