Ray Parks pumirma ng 2-year contract sa Elite

Pinabulaanan ng kampo ni Bobby Ray Parks, Jr. ang naunang ulat na iti-trade ng Blackwater ang player papunta Meralco Bolts.

Kamakailan ay umugong na ililipat ng Elite sa Bolts ang anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks habang patuloy itong nakikipagnegosasyon para sa 3-taong maximum rookie contract matapos maging Top 2 pick sa nagdaang Annual Draft.

Sinabi kahapon ni Charlie Dy, agent ni Parks, Jr., na pinirmahan na ng kanyang alaga ang tender offer na ipinadala ng pamunuan ng Blackwater na naggagarantiya ng dalawang taong paglalaro para sa Elite ng dating manlalaro ng National University.

Ipinadala ng Blackwater ang dalawang taong maximum deal para sa isang rookie na nagkakahalaga ng P5.4 milyon noong Huwebes.

Bagaman pinirmahan ni Dy ang tender offer na nagbasura sa iniulat na ipagpapalit si Parks patungo sa Meralco, nakatakda pa itong maki­pagnegosasyon para mabigyan ng siguradong 3-taong kontrata ang ilang beses naging Most Valuable Player sa University Athletic Association (UAAP) sa koponang National ­University Bulldogs.

“Sabi ko, ‘matagal pa naman, tatapusin pa ni Bobby Ray itong ABL, just send us a tender offer so we can negotiate.’ Yesterday, he went to my office with a tender offer at iyon ang na-sign ko,” sabi ni Dy.

Ipinaliwanag naman ni Blackwater team owner Dioceldo Sy na tatanggap si Parks ng P200,000 kada buwan sa kanyang unang taon bago makakuha ng P250,000 kada buwan sa ikalawa nitong taon.

Binigyan na din ng tender offer ng Blackwater ang mga hiniling nitong makuha sa NLEX Road Warriors na sina Paul Desiderio at Abu Tratter kahit hindi pa opisyal na naaprubahan ang palitan. (Lito Oredo)