Napapag-usapan ding pati si Rayver Cruz ay lilipat na rin ng GMA 7.
Ang unang kuwentong nakarating sa amin, hawak na raw ito ni Direk Maryo J. de los Reyes at siyang nag-aayos ng paglipat nito sa GMA 7.
Pero itinanggi ito ni Direk Maryo nang tinanong.
Interesado raw siya kay Rayver para sa isang project, kaya aalamin daw niya sa GMA Artist Center kung merong ganu’ng pag-uusap.
Inalam namin sa Star Magic, nasa kanila pa rin daw si Rayver.
Pero malay natin, baka dahil kay Janine Gutierrez, magiging Kapuso na siya isa sa mga araw na ito.
***

UMILING si Perry Lansigan nang tinanong namin kung totoong ililipat na niya ang bagong alaga niyang si Ejay Falcon sa GMA 7.
Iyun ang narinig naming kuwento noon pa bago pa in-announce ng ABS-CBN 2 na may timeslot na ang matagal na nilang nakatenggang drama series na The Promise of Forever na maglulunsad sana kay Ritz Azul.
Sabi lang sa amin ni Perry, “May soap pa naman siya.”
Hindi na niya kami sinagot nang sinundan namin ng tanong kung pagkatapos nitong The Promise of Forever, posibleng ililipat na niya?
Sa ngayon ay may ibinibigay pa ring programa ang ABS-CBN 2 kay Ejay kahit hindi na siya ni-renew ng kontrata.
May career plan na raw ang PPL sa kanya, hindi lang muna ibinabahagi sa amin ni Perry.
Si Ejay rin pala ang kinuhang partner ni Paolo Ballesteros sa gagawin nitong pelikula sa OctoArts.
Ito ‘yung Barbie: The Wonder Beki na bale solo movie ni Paolo at balak yata nilang isusumite sa Metro Manila Film Festival.
***
Nabuhayan ng loob ang supporters nina dating Sen. Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada nang magsalita si Pres, Rodrigo Duterte sa Malacañang kamakalawa na dapat makapag-bail na ang dalawa para makalabas na sila.
Nabanggit ni Pres. Digong ang selective judgement daw ng Ombudsman, at nakapag-bail daw ang ibang government officials na nasangkot sa PDAF case, bakit hindi sina Bong at Jinggoy?
Isa sa kaagad nag-emote sa Instagram ay si Manay Lolit Solis na matagal na ring umaasang makalabas ang dalawa niyang anak-anakan.
Sabi niya sa kanyang IG account; “Hope springs eternal, sa next month birthday na naman ni Bong Revilla, ikatlong taon na nasa Crame sila ni Jinggoy Estrada.
“Late na nga nag-sink in sa akin na ang haba na pala ng panahon na nasa loob sila ng Crame.
“Late ko na naramdaman ang sobrang lungkot. Hindi ko naman sinasabi na tapos na ang kaso nila, iyun lang sana, habang naghi-hearing, nasa labas sila.
“Kahit araw-araw pa silang mag-hearing at kung mapatunayang guilty saka ikulong.
“Eh kung mapatunayan na political prosecution lang ang nangyari, paano mo pa ibabalik ang 3 taong nawala sa buhay nina Bong at Jinggoy?
“Iyong tatlong taon na ipinagtiis ng pamilya? Pero lahat ng iyun ay water under the bridge now, wala nang magagawa, hindi na maibabalik.
“At bigla, nagsalita si Papa Digong Duterte na ang tagal na nila sa Crame, dapat na siguro silang payagan na makapag-bail, biglang lumiwanag ang langit sa tingin ko.
“Di ko na napansin ang ulan. Bigla nakakita at nakadama ako ng pag-asa.
“Sana Dear God, sana po, mapagbigyan ang bail at kung talaga po na nagkasala sila, maluwag na tanggapin ang parusa, pero kung inosente sila, sana po huwag silang makaramdam ng galit at isipin na lang na isa itong pagsubok na dumating sa buhay nila.
“Please God, ikaw lang ang nakakaalam. Ikaw lang ang may karapatan, at kung anuman po iyun, Thy will be done in Your name.
“Thank you Lord. Salamat din po Papa Digong, Salamat po.”
Tinext namin si Manay Lolit na nakaka-touch ang ipinost niyang iyun para sa dalawa niyang anak-anakan.
Sabi lang niya sa amin inspired siya sa bagong kinababaliwan niyang Korean actor na si Jo In Sung.
Kinalimutan na niya kasi ang love na love niyang si Song Joong Ki dahil malapit na itong ikasal.
Nabaling na ang pagtingin niya kay Jo In Sung dahil feeling niya, wala na siyang pag-asa kay Song Joong Ki.
Kaya pala ganu’n na siya ka-emotional dahil na rin sa pakikinig niya sa Korean songs.
Ay, bongga! Pati pala Korean songs, alam na rin niya?
Kapag matuloy na ang paglabas nina Sen. Bong at Sen. Jinggoy, malamang na may ikokonek din siyang Koreanovela diyan pati Korean songs.