RC Cola-Army sadsad muli

Nauubusan na yata ang RC Cola-­Army,­ sa ikatlong sunod na laro ay sadsad sa mga kamay naman ng Foton sa sagarang five sets 18-25, 25-15, 25-17, 23-25, 15-9 sa pagdayo ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa De La Salle Lipa Sentrum sa Lipa City, Batangas kahapon.

Nagpakawala ng tig-19 sina Jaja Santiago at Sisi Rondina para sa Tornadoes, nagdagdag ng 13 si Angeli Araneta at 10 pa kay Maika Ortiz.

Nakapaloob sa produksiyon ni Santiago­ ang 11 spikes at pito sa 10 blocks ng Foton, naglista ng 17 kills si Rondina.

Sa first set ay inilabas ang pambato ng RC Cola-Army na si Rachel Anne Daquis nang mapasama ang bagsak at ininda ang kaliwang paa, pero hindi nasiraan ng loob ang Lady Troopers at napuwersa pa sa five sets ang laro.

“Una, ayaw namin na may ma-eliminate na tao para lang manalo kasi nasa game plan namin si Rachel, ready kami sa kanya and ‘yung position niya ang pinag-aralan namin,” ani Tornadoes coach Vilet Ponce de Leon. “Without her nga five sets pa rin kami.”

Pinangunahan ng 22 points, 15 dito mula sa kills at seven sa blocks, ni ­Jovelyn Gonzaga ang Army.

Sa unang laro, nakabalik mula sa malamyang umpisa ang Cignal para kontakin ang 14-25, 25-27, 25-13, 25-14 win laban sa Amy’s.

Lahat ng 10 points ni Cherry Vivas ay mula sa kills, umayuda ng tig-nine points sina Janine Navarro, Carmela Tunay at Jeanette Panaga para sa HD Spikers. ()