RDO payag sa coaching job

Sa haba ng karangalang nakalinya sa resume ni Ranidel De Ocampo, hindi na kataka-takang tumalon siya sa coaching ngayong tinapos na niya ang basketball career.

Lunes ay binasag ni RDO ang desisyon na ipahinga na ang sneakers at isabit ang jersey pagkatapos ng 15 seasons sa PBA.

Binagabag ng knee at back injuries si De Ocampo sa huling mga taon kaya napigil na rin ang laro sa Meralco.

Coaching?

“Hindi ko pa masabi, pero kung may gustong isali ako sa staff nila, puwede namang i-consider,” anang 38-anyos na produkto ng St. Francis of Assisi College sa Las Piñas.

Ikokonsidera ang kanyang 6 championship rings, 3 Mythical First Team selections, 2 Finals MVP awards, one-time Best Player of the Conference, 9-time All-Star.

At isa rin sa naging haligi ng Gilas Pilipinas, highlight ng kanyang national team stint ang pinakawalang 3-pointer sa 86-79 win kontra Korea sa semifinals ng 2013 FIBA Asia Championship. Dahil du’n ay nakakuha ang Pilipinas ng tiket pabalik sa World Cup.

Kung may offer ang Bolts, ikokonsidera ni RDO “para hindi na lalayo.”

Habang wala, naka-plano na ang gagawin ng 6-foot-6 stretch-4.

“Focus muna ako sa mga negosyo, tapos kung may dumating sa larangan man ng basketball o hindi, siguro puwedeng i-grab ‘yung ibang opportunity,” panapos na pahayag ni De Ocampo, ayon sa PBA website. “Ngayon mas mahaba na ang oras ko sa pamilya ko.” (Vladi Eduarte)