Ready ka sa online class?

Mula nang magpatupad ng lockdown sa Metro Manila at mga karatig probinsiya noong Marso dahil sa banta ng COVID-19, naging normal na ang paggamit ng electronic gadgets sa pakikisalamuha sa ibang tao.

Imbes face-to-face, virtual na ang mga meeting, social gathering, reunion at maging klase sa pasukan!

Ang tanong, handa ka ba sa online classes?

Nitong nakalipas na linggo, kaliwa’t kanan ang imbitasyon sa akin para maging speaker sa mga webinar. Iba-iba ang topic pero iisa ang layunin at pakay, imulat ang mga bata sa tinatawag ‘new normal’.

Sa darating na pasukan, Department of Education na ang nagsabi – walang face-to-face interaction na mangyayari. Ibig sabihin, virtual ang mode of learning at instructions sa eskuwelahan.

Pansin ko lang, hindi problema ang husay ng mga bata pagdating sa teknolohiya. Katunayan, ibang klase ang kanilang galing. Mas mabilis ang pick-up nila sa technological advancement kaya tiyak akong makakasunod sila sa bagong sistema.

Ang problema, may gagamitin kaya silang gadgets? ‘Yan ang tanong na marahil hanggang ngayon’y walang sagot lalo na sa mga kapus-palad na estudyante.

Masuwerte ang mga bata sa Maynila at Pasig dahil nangako na ang dalawang lungsod na sasagutin ng lokal na pamahalaan ang gadgets na gagamitin sa paaralan.

Paano naman ang mga hindi taga Maynila at Pasig? Buti na lang may ilang personalidad na mamamahagi nang libreng gadgets sa mga nangangailangan gaya ng aktres na si Heart Evangelista.

Sa madaling salita, may maiiwan talaga sa bagong sistemang ito. Imbes ibili ng gadgets, ipangkakain na lang ng pamilya na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic. Marami ang nawalan ng trabaho dahil dito.

Isa pang problema ang internet connection. Malamang, prepaid ang gagamitin ng marami pagdating ng pasukan. Law of supply and demand lang ‘yan. Kung maraming gagamit, tiyak na mas babagal ang koneksyon. Bigyang-pansin sana ito ng gobyerno para pagdating ng school opening, plantsado na ang lahat.

Sa ngayon, manatili muna tayong alerto at laging mag-ingat dahil hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19.