REBELYON NAKAAMBA SA MGA PAPALAG SA ANTI-DRUG WAR

Puwedeng maharap sa kasong rebelyon ang sinumang papalag sa tatlong sangay ng gobyerno sa kampanya ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

Ito ang naging babala ni House deputy speaker Fredenil Castro ng Capiz matapos palagan ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagpapasuko ni Duterte sa mga judges na pinangalan ng Pangulo na sangkot umano sa iligal na droga.

“The resistance of those affected by the campaign against illegal drugs amounts to rebellion,” ayon kay Castro na isang abogado. Aniya pa, sa halip na palagan ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga ay tumulong na lamang dahil malala na ang problemang ito.

Magugunita na pinayuhan ni Sereno ang mga judges na huwag sumuko hangga’t walang arrest warrant laban sa kanila at humingi pa ito ng paliwanag sa Pangulo kung ano ang basehan niya sa pagdadawit sa mga miyembro ng Hudikatura sa iligal na droga.

Dahil dito, nagbant­a si Duterte na magdedeklara ng Martial Law kapag pinalagan ang kanyang kampanya laban sa iligal na droga bagay na hindi sineryoso ng kanyang mga kaalyado sa Kamara tulad ni Castro.

“But interference alone, no matter how grave, Martial Law cannot be warranted under the Constitution,” ani Castro dahil mara­ming proseso umano ang dapat daanan bago magpatupad­ ng batas militar.

Kayang-kaya umano ni Duterte na sugpuin ang iligal na droga na hindi kailangang magpatupad ng Martial Law dahil hawak nito ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Tingnan mo walang nangyayaring crimes nga­yon na gawa ng mga addict,” ayon pa kay Castro.

Samantala, sa kaugnay na ulat, inihayag kahapon ng PNP na hindi magpapaapekto ang kanilang puwersa sa hidwaan nina Pangulong Duterte at CJ Sereno.

Ayon kay PNP Spokesman Sr. Supt. Dio­nardo Carlos, ipinauubaya na nila ang nasabing isyu sa panig ng ehekutibo at hudikatura. Aniya, wala silang balak na makialam o manghimasok sa usapin.

Sinabi pa ni Carlos na hindi sangkot sa pulitika ang PNP at nakatuon lamang sila sa mahalagang trabaho ng pagbabantay sa kapayapaan at segu­ridad ng bansa.