Semplang sa Classification round ang Rebisco PSL-Manila matapos pulbusin ng Tianjin Bohai Bank of China sa tatlong sets 25-8, 25-10, 25-9 kahapon sa Asian Women’s Club Volleyball Championships sa Boris Alexandrov Sports Palace sa Kazakhstan.

Nalasap ng Pinay spikers ang pangatlong talo sa tatlong laro kaya papalo na lang sila para sa fifth to eighth places.

Kahit malayo ang agwat ng iskor sa kalaban, naniniwala pa rin si national team head coach Francis Vicente sa kakayahan ng kanyang mga bataan.

“I believe in this team. I know that we have what it takes to win. But we need to learn a lot more especially in playing in international tournaments.” saad ni Vicente.

Pinag-aralan ng Rebisco-PSL Manila ang istilo ng laro ng mga kalaban noong Biyernes pero sadyang napakalakas ng Tianjin Bohai club at hindi nila kinaya ang pangangalabaw ni Yu JunWei na kumana ng 18 points.

Nagrehistro sina Jaja Santiago at Jovelyn Gonzaga ng eight at six points para sa Rebisco PSL-Manila.

Puwede na lang lampasan ng Filipinas ang seventh place finish nila sa event.