Record ng BIR officer kakalkalin sa bombing

pnp-chief-dela-rosa

Susubukan ng Philippine National Police (PNP) na halungkatin ang record ni Atty. Nasser­ Abinal, isang Revenue District Officer ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa Intramuros­ na umano’y target ng pagpapasabog sa Quiapo, Maynila noong Sabado.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa, makikipag-ugnayan sila sa BIR para malaman kung anong estado ni Abinal bilang District officer ng BIR.

Ito ay dahil hindi ina­alis ng PNP ang posibilidad na may nakaalitan o nakaaway si Abinal dahilan para mangyari ang pagpapasabog.

Una nang napag-alaman na nakatatanggap ng mga death threats o pagbabanta sa buhay si Abinal sa pamamagitan ng text messages at Facebook account nito bago pa mangyari ang pagpapasabog.

Ang pangalan ni Abinal ay una nang lumitaw sa imbestigasyon ng ­pulisya na target umano ng pagpapasabog sa Quiapo na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng anim na iba pa.