Recruitment ng OFWs sa 9 Saudi firms pinapipigil

Hiniling na ng mga kasapi ng United Overseas Filipinos Worldwide (U-OFW) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipag-utos na nito sa Philippine Overseas Employment Admi­nistration (POEA) ang pagsuspinde sa pagpapadala ng mga manggagawa sa siyam na kumpanya ng Saudi Arabia.

Sinabi ni John Leonard Monterona, convenor ng U-OFW, kabilang sa mga kumpanyang pinapipigi­lan na ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) ay ang Saudi bin Ladin Group of Companies (SBG), Saudi Oger Ltd. (SOL), Mohammed Al Mojil Group (MMG), Mohammad Hameed Al-Bargash & Bros. Trading & Construction Co., Alumco L.L.C., Rajeh H Al Merri Contrac­ting & Trading Company, Fawzi Salah Al Nairani Contracting Company, Arabtec Construction L.L.C. at Real Estate Development and Investment Company.

Ipinaliwanag ni Monterona na ang siyam na kumpanyang nabanggit ay nahaharap na sa tumitin­ding pinansyal na problema na nagiging dahilan para hindi na mabigyan ng kaukulang sahod ang mga manggagawa nito.

Kailangan na aniyang kumilos dito ang DOLE dahil marami na silang natatanggap na impormasyon na marami pa ring recruitment agencies ang nagpoproseso ng mga dokumento para sa mga baguhang OFW sa mga nabanggit na kompanya.

Pinapipigil na rin sa DOLE ang pagpapadala ng mga household service workers sa Saudi Arabia dahil sa pagtaas ng bilang ng mga stranded at undocumented OFWs na apek­tado na ng pagbabawas ng mga manggagawa sa na­sabing bansa na epek­to ng Saudization.

“In lieu of the recent vi­sit of DOLE chief Silvestre Bello III in Riyadh, Saudi Arabia and himself witnes­sing the deplorable situation of our fellow OFWs wor­king for the 9 Saudi companies, we urged the DOLE and the POEA to suspend the deployment of newly-hired and workers-on-leave bound to come back to Saudi Arabia,” pahayag ni Monterona.