Sinuyod kahapon ang tinatawag na ‘Recto University’ sa kahabaan ng Recto, Avenida sa Maynila.

Alas-11:00 nang umaga nang simulan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pag-iikot kasama ang mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team hinggil sa kanilang ‘Operasyon Baliko’. Ito ay para galugarin ang mga pagawaan ng pekeng dokumento at iba pang iligal na aktibidades partikular na ang operasyon ng Recto University.

Sa isinagawang operasyon kahapon, 3 motorsiklo na kuwestiyonable ang dokumento ang na-impound habang 42 katao ang binitbit at sinailalim sa beripikasyon.

Nalaman na may kabuuang 52 stalls ang nag-o-operate sa bisa ng inisyung permit bilang mga ‘printing company’ at ngayon ay sinasailalim sa beripikasyon para mabatid kung ang operasyon ay alinsunod sa kanilang mga permit.

Nabatid na anim na machine ang kinumpiska para alamin kung saan ito ginagamit at iniutos ni Moreno na sirain kung mapapatunayang ginagamit sa iligal.

Matatandaan na galit na binalaan ni Moreno ang mga gumagawa ng pekeng dokumento gaya ng ID ng senior citizens, Person with disabilities at maging mga resibo ng gobyerno. (Juliet de Loza-Cudia)