Recurrent dream: Ang ama ng aking anak!

Dear Dream Catcher:

Tanong ko lang po, lagi ko po ko napapaginipan ang ama ng anak ko. Sa panaginip ko, hindi niya ko pinapansin. Gusto ko siyang lapitan pero hindi puwede. Meron pa ‘yung time na nakatalikod lang siya pero hindi ko raw puwedeng lapitan. Araw-araw ko siya napapaginipan sobrang bigat ng pakiramdam ko kc masakit sa piling na oo hindi na niya kami mahal. ‘Yung hindi na kami importante sa kanya.

Maricon

Dear Maricon:

Ang iyong panaginip tungkol sa ama ng iyong anak ay kabilang na sa tinatawag na recurrent dreams, paulit-ulit na panaginip. Ito ay konektado sa iyong emosyon.

Bagama’t itinuturing na common dreams ang minsan-minsang panaginip sa ating mga ex-partner, sa iyong kaso ay isa na itong recurrent dream at ito’y nag-uugat sa katotohanang hindi ka pa rin maka-move on sa inyong nakaraan.

Ang iyong panaginip ay nagpapakitang kahit sa iyong subconscious ay nakapokus ka pa rin sa inyong dating relasyon. Inamin mong masakit pa rin sa iyo na hindi ka na mahal ng iyong ex-partner. Hindi mo binanggit kung siya ay iyong naging asawa pero mas malamang na hindi kaya tinawag mo siyang ama ng iyong anak. Hanggang nga­yon ay malinaw na siya pa rin ang laman ng iyong isip.

Pero malinaw din naman sa iyong mga panaginip na ang iyong subconscious ay nagbibigay na ng mensahe na mag-move on ka na! Kaya nga sa paulit-ulit mong panaginip ay nakikita mong hindi ka pinapansin ng iyong ex-partner. Kahit sa panaginip ay wala kang nakikitang forever: Nakatalikod siya at hindi mo malapitan. Malinaw ang mensahe na ang iyong subconscious ay nagsasabing: Move on, walang diyan ang iyong forever!

Maituturing pa rin na positibo ang mensaheng ito dahil hindi ka pinapaasa ng iyong panaginip. Sa halip na ma-depress sa paulit-ulit na eksena ng kabiguan sa iyong recurrent dreams, gamitin ito para i-challenge ang iyong sarili. Sinasabi ng iyong subconscious na wala kang maaasahan kaya bakit mo patuloy na pahihirapan ang sarili mo sa paghihintay na muli kang pansinin ng iyong ex-partner?

Sa halip na sa ex-partner magpokus ay mag-concentrate ka na lamang sa inyong anak. Sa inyong anak mo ibuhos ang lahat ng iyong effort at magpakatatag. Life is short kaya ‘wag itong sayangin sa mga bagay na wala na sa halip i-enjoy kung ano ang meron ka tulad ng iyong anak at ng iba pang positibong aspeto ng buhay!

Dream Catcher

***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.