RED LIONS BALIK-KAMPEON

Mahigpit na niyakap ni Robert Bolick ang kakamping si Dan Sara matapos muling angkinin ng San Beda Red Lions ang korona ng NCAA men’s basketball tournament, nang talunin ang Arellano U Chiefs, 83-73 kahapon sa MOA Arena. (Jhay Jalbuna)

Winalis ng San Beda Red Lions ang Arellano University Chiefs, 83-73 kahapon sa Game 2 Finals ng 92nd NCAA seniors men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City upang maibalik sa kanilang bakuran ang koronang naagaw noong nakaraang taon.

Nag kapit-bisig sina Arnaud Noah at Fil-Am Davon Potts sa stretch para itaguyod ang Red Warriors sa kanilang pang-syam na titulo sa 11 taon at 20th overall.

Nawaglit sa San Beda ang titulo nakarang season matapos silang matalo sa Letran Knights.

Pumoste si Finals MVP Noah ng 18 puntos at 11 rebounds habang 10 points ang inambag ni Potts kasama ang panelyong tres.

“This team is built to be selfless, I’m very happy,” ani San Beda head coach Jamike Jarin.

Bumangis sa depensa ang Red Lions kung saan ay hindi nila pinaiskor ang Chiefs sa huling 3:07 minuto ng laban.

Huling puntos ng Arellano ay ang go-ahead basket ni Kent Salado 73-72 na nahablot ang manibela.

Pagkatapos ay humarurot ng 11-0 run ang San Beda para yakapin ang korona.

Nagkaroon ng krusyal turnover ang Arellano na sinamatala ng San Beda.

Ipinasa ni Noah ang bola kay Potts sa gilid para ibaon ang trey at ibandera ang 78-73 bentahe ng San Beda may 1:48 minuto na lang sa laro.

Bumira si Jio Jalalon ng 19 points, 10 assists at seven rebounds pero hindi sumapat para itaguyod ang Chiefs sa kanilang unang titulo.

Bumakas din si AC Soberano ng apat na three-pointers tungo sa kanyang 16 points habang may 13 mar­kers si Robert Bolick para sa San Beda.