Pilipinas Blue Mika Reyes
Si Mika Reyes habang nagbibigay ng instructions sa mga kakampi sa Pilipinas-Blue laban sa Pilipinas-Red sa Clash of Heroes sa The Arena sa San Juan. (Jhay Jalbuna)

Wala si Alyssa Valdez sa Clash of Heroes ­kagabi, binalikat nina Mika Reyes at Frances Molina ang Pilipinas-Blue sa pahirapang five-set win laban sa Pilipinas Red.

May 15 players na nagpakita sa event, ang pinal na basehan ng Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. para sa magiging komposisyon ng national team.

Naiwan na ng dalawang sets, kinubra ng Blue ang sumunod na tatlo para kumpletuhin ang 19-25, ­22-25, 25-19, 25-15, 15-10 come-from-behind ­victory sa The Arena sa San Juan.

Pinamunuan ng 20 points ni Molina ang Blue squad, nag-ambag ng 17 si Reyes at may 13 pa si Shaya Adorador.

Nagsumite ng 19 points si Jaja Santiago para sa Red team.

Samantala, sinibak naman ni coach Sammy ­Acaylar sa men’s national team sina Ateneo stars Marck Espejo at Ish Polvorosa.

“Tapos na ang patience ko sa kanila,” deklarasyon ni Acaylar. “During our practice, sometimes hindi sila nag-eensayo. I understand dahil marami ­silang liga, iniintindi ko lahat ‘yun.”

Out na rin sa mga pinagpipilian sina Peter Torres, Mark Alfafara, Bonjomar Castel, Herschel Ramos, Erikson Ramos, Lorenzo Capate Jr. at Anjo ­Petierra.