Apat na bata na ang nabiktima ng red tide phenomenon sa Eastern Visayas makaraang makakain ng kontaminadong shellfish at dalawa na sa mga ito ang nasawi.
Ikinaalarma na ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at muling nagbabala sa publiko na huwag na munang magbenta o kumain ng mga shellfish na mula sa mga lugar na apektado ng red tide.
Isang 11-anyos na batang babae ang nasawi nang malason sa kinaing shellfish noong Hulyo 17. Kasunod nito, dalawang kabataan din ang dinala sa pagamutan noong Hulyo 20 matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan dahil sa pagkain ng tahong.
Noong araw ding iyon ay isang 5-anyos na batang lalaki rin ang isinugod sa Samar Provincial Hospital dahil sa dehydration.
Base sa BFAR, unang nakita ang red tide toxin noon pang Mayo 17 sa Irong-Irong Bay sa Tarangnan, Samar at Cambatutay Bay sa Catbalogan City na kumalat pa hanggang sa kalapit na Maqueda Bay, Villareal Bay at Carigara Bay.
Ayon sa BFAR, ang Maqueda Bay ang major source ng mga residente ng Jiabong, Catbalogan City, Motiong, Paranas, Pinabacdao, Hinabangan, San Sebastian at Calbiga sa Samar sa pagkuha ng tahong na ibinibiyahe sa Maynila.
Sinabi naman ni BFAR Regional Director Juan Albaladejo na puwede namang kainin ang isda, hipon at alimasag basta hugasan lamang mabuti at alisin ang hasang at bituka bago lutuin.