Bakit kapag nagkakaroon lamang ng mga trahedya dulot ng kalamidad tumataas ang interes ng publiko kapwa ng gobyerno at mga apektadong sektor na suriin at tignan ang katatayuan ng kapaligiran?
Kapag nagkaroon ng landslide o pagguho ng lupa o pagkakalason ng mga tubigan at karagatan at saka lamang naaalala ang mga umiiral na batas para protektahan ang kapaligiran.
Kapag may trahedya ang daling magturuan. Finger pointing ang labanan.
Halimbawa na lamang ang pagkasira ng mga bahura ng mga karagatan.
Kalimitan ang pagkakasira ng bahura ay gawa ng tao.
Maaaring mula sa dumi at lason na nasa kategoriya ng ‘household o industrial waste.’Nawawasak din ang mga bahura dahil sa walang humpay na pag-abuso, tulad ng iligal na pangingisda sa pamamagitan ng paggamit ng dinamita at ‘cyanide fishing.’Sa trahedyang naganap sa Itogon Benguet nagbabala si PDu30 na isang araw ay hihilingin niya sa Kongreso na ipagbawal na ang pagmimina sa bansa.Hinimok ng Pangulo ang industriya ng pagmimina na gumawa ng hakbang para proteksiyonan ang kapaligiran at mga apektadong komunidad.
***Malaking hamon ngayon sa gobyerno matapos muling buksan sa publiko ang Boracay– ang pagbuhay muli sa makasaysayan at matulaing Manila Bay.
Marahil ang karanasan ng mga taga-Port of Barrera sa lalawigan ng Masbate ay puwedeng silipin ng DENR kung paano dahan-dahang ibinabalik sa dating kondisyon ang naabusong karagatan sa Aroroy, Masbate.
Kabilang sa tinatawag na ‘intervention’ sa muling pagbuhay ng Port of Barrera ay ang mga ‘reef ball.’Ang bolang ito ay mga ‘artificial coral reef’ na inilagay sa nasirang pugad ng mga isda para muling tirhan at maging itlugan.
Ayon sa Filminera Resource Corporation na may gawa ng ‘reef ball’ malaking tulong ang mga bola para mapalagong muli ang mga ‘endangered coral reef’ sa buong bansa.
Ang kanilang karanasan sa Aroroy, Masbate ay unti-unti nang nagbubunga.
Ang mga nawalang isda ay nagsisibalikan dahil sa mga ‘reef ball’ na ipinalit sa mga nasirang bahura o coral reef. Ang karanasan ng Filminera sa Masbate ay maaring ikonsidera sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ang mga ‘reef ball’ ay maaaring subukan upang maibalik muli ang mga nasirang bahura.Maraming ‘intervention’ ang dapat gawin para mabuhay na muli ang Manila Bay.
Isa na rito ang paglalagay ng ‘reef ball’ para bumalik muli ang mga isdang naitaboy dahil sa pagkamatay ng Manila Bay na kilala sa buong mundo sa pagkakaroon ng napakagandang ‘sunset.’