Gustong magtrabaho subalit pinipigilan ang may 400 masisipag na empleyado ng Regent Foods Corp.(RFC) ng umano’y mga tiwaling empleyado na nagtayo ng barikada sa gate ng kompanya sa Brgy. Kalawaan, Pasig City, kahapon nang umaga.
Batay sa nakalap na report, bandang alas-sais, Huwebes nang umaga pa lang ay hindi na nakakapasok ng establisimyento ang mga empleyado. Ito ay dahil sa ginagawang panghaharang at pagpigil ng mga welgista na nasa labas ng gate ng Regent Foods Corp.
Sa kabila nito, hindi mapalagay ang may-ari ng RFC, dahil tila hina-harrass ang mga papasok sanang empleyado.
“Mali ang gawa nilang pagra-rally, hindi sila pinapabayaan kaya taka ako bakit sila nasa labas,” paliwanag nito.
Nabatid na nag-aklas ang may 300 empleyado ng RFC dahil sa maling patakaran umano ng kompanya at mababang pagpapasuweldo na mariing itinanggi naman ng pamahalaan ng Regent.
Giit pa ng RFC management na bakit sila tumagal sa serbisyo kung mayroon pala silang sama ng loob sa nasabing kompanya.
Maraming residente ang umaangal sa ginagawang pag-aaklas ng mga tiwaling empleyado kaya naman agad na nagresponde ang Pasig City Police at pinaalis ang mga ginawang harang upang madaanan ng mga residente. (Vick Aquino)