NAG-IISA pa rin talaga ang Songbird na si Regine Velasquez. Napanood namin ang first night ng kanyang 2-night concert sa MOA Arena, ang R3.0 at as usual sold-out concert ito hanggang sa ikalawang gabi.

Umpisa pa lang ay pasabog na si Regine at talagang nagtatayuan, sigawan at pa­lakpakan ang mga Reginian sa tuwing bumibirit siya. Ilan sa mga paborito namin sa concert ay ang duet nila ni Nate.  And eventually, pumasok sina Mikee Cojuangco at Donna Cruz.

Natuwa rin ang audience lalo pa nga at isa sa memorable movie nilang tatlo ang Do Re Mi.  Biro ni Regine, “Si Donna po, nanggaling pa sa Cebu. Si Mikee, nag-voice lesson pa.”

At ang number niya kasama ang mga young divas na sina Julie Anne San Jose, Morisette, Jona,  Aicelle Santos, at Angeline Quinto. Ganda ng number na ‘yun na umani pa ng standing ovation at napaka-humbling nang sinabi ni Regine sa kanila na…

“Please take a vow to your new queens. Pinapaubaya ko na sa inyo ang mga audience.”
Sa aming palagay, ang makakaya lang na magbitiw ng ganu’ng mga salita ay isang artist na fulfilled, confident at masaya sa narating, nagawa na niya sa kanyang career. Noon pa man, bilib na kami kay Regine kung paano siya sumuporta lalo na sa mga baguhan.

Na madalas, guest siya sa mga concert ng mga ito at madalas din, alam namin ay hindi pa siya nagpapabayad.

Hindi nawala ang pag-alala ni Regine sa kanyang ama, ang kanyang discoverer, mentor and first manager na si Mang Gerry. Humagulgol sa iyak si Regine habang umaawit ang tribute sa kanyang Papa.

Guest din si Ogie Alcasid na sabi nga niya, “Nagbago na po ang buhay ko. Kasi ako po ay isang asawa at isang ina. I’m not perfect wife but I got my strength from this man.”

Inamin ni Regine na nawala ang confidence niya nang mawala ang boses niya noong Silver anniversary niya sa mismong gabi ng concert niya. Alam daw niya na God was teaching her a lesson with what happened.

Napakaganda rin at inspiring kung paano i-honor ni Regine si God sa buong concert niya. In fact, nakita namin yung pinost na picture ni Angeli Pangilinan bago mag-umpisa ang concert (her son, Paolo Valenciano is the concert director).  Habang nanalangin si Ogie at mga kasama sa concert, nakaluhod naman si Regine na nagdadasal.

Walang dapat ipag-alala si Regine dahil sigurado hindi lang siya hinahangaan, inspirasyon pa siya sa karamihan.

Sabi niya kasi, “More than being admired, I would like to be an inspiration.”

And in line of her 30 years in showbiz (31 to be exact), noong gabi rin ng concert niya unang ni-release ang 3-special CD album niya na R3.0 na mabibili na ngayon.