Regine keber idirek ng baguhan

Diva in her own right ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez dahil hindi lang siya tagumpay bilang singer at concert performer kundi sa pagiging artista.

Katunayan, nang pasukin niya ang pag-arte, hit ang mga pelikula niyang kasama sina Aga Muhlach, Piolo Pascual at Richard Gomez.

Sa ika-15 edisyon ng Cinema One Originals, nagbabalik siya sa pag-arte sa pelikulang “Yours Truly, Shirley”. Ginagampanan niya ang role ng biyuda na naniniwalang ang kanyang yumaong asawa ay nag-reincarnate sa katauhan ng iniidolong pop star.

Ito ay idinirehe ng baguhang direktor na si Nigel Santos.

Sa kanyang estado na may napatunayan na, hindi naman daw big deal kung idirek siya ng isang baguhan.

“It’s part of the whole excitement of making a movie. It’s part of the whole process. Ako kasi, dati, gusto kong idinidirek ako ng mga kakilala ko like Joyce Bernal, kasi hindi ko naman ikinu-consider ang sarili ko na artista. I’m not an actor at gusto ko na ang nagdidirek sa akin, kakilala ko, kasi hindi ako sanay kapag iba,” aniya.

“Pero ako kasi, noong inilapit sa akin ang iskrip, nagustuhan ko siya. I wanted to challenge myself and to get out of my comfort zone, so it’s the reason, I suppose,” dugtong niya.

Hindi rin daw siya naimpluwensiyahan ng mister na si Ogie Alcasid na muling humarap sa kamera na matatandaang sumabak din sa paggawa ng indie sa Cinemalaya movie na “Kuya Wes”. Pero, hindi naman niya ikinaila na ini-encourage siya nito.

Kasama ni Regine sa “Yours Truly, Shirley” ang Hashtag member na si Rayt Carreon na kalahok sa 15th Cinema One Originals filmfest na mapapanood na sa mga piling sinehan simula Nobyembre 7 hanggang 17.

(Archie Liao)