Regine reyna ang pag-welcome sa Dos

tonite-pak-allan-diones
May pa-grand welcome ang ABS-CBN kahapon sa bagong lipat nilang Kapamilya na si Regine Velasquez-Alcasid.
May pa-red carpet sa ELJ Building at doon naghintay sa pagdating ni Songbird ang Kapamilya employees na may mga hawak na lobo.

‘Kagulo at ang lakas ng hiyawan pag-entra ni Regine at pagrampa nito sa red carpet. Kasama siyempre ni Ms. Reg ang mister niyang si Ogie Alcasid.
Grabe, fans day levels ang ganap sa ABS compound. Alam mo talagang A-list celebrity ang involved dahil nagkakagulo ang mga utaw na nagkaipon-ipon sa nasabing building.

In all fairness ay sobrang init ng pagwelkam kay Songbird sa bakuran ng Dos at reynang-reyna ang treatment sa kanya, na dapat lang naman dahil deserved niya ‘yon.

Na-touch si Regine at napaluha sa warm welcome na natanggap niya sa bago niyang network, na may mga sumisigaw ng, “Regine, welcome home!” na karamihan ay mga empleyado ng ABS na fans niya.

Nag-#1 trending topic kahapon sa Twitter PH ang hashtag na #SongbirdReturnsToABSCBN.

Dumiretso si Regine sa kanyang contract sig­ning kasama ang sister-manager niyang si Cacai Velasquez-Mitra. Present sa naganap na pirmahan ang Kapamilya bosses na sina Tita Cory Vidanes, Mr. Carlo Katigbak, Mr. Mark Lopez, Direk Lauren Dyogi at Tito Deo Endrinal.

“I am now a certified Kapamilya! Woooohhh!!!” patiling sambit ni Songbird sabay tawa, na plakado ang pinausong sigaw ni Paolo Ballesteros kapag ginagaya siya nito sa “Eat Bulaga”.

“I’m very happy, excited. Overwhelmed right now,” sabi pa ni Songbird.

Dugtong niya pa, “So many great singers here like KZ, Angge, Sarah, Jonah, Morissette.”

Looking forward din siyang makatrabaho ang mister niyang si Ogie, pati na sina Sharon Cuneta, Gary Valenciano at Martin Nievera.

Nabanggit din ng 48-anyos na singer-actress na impressed siya sa Kapamilya heartthrob na si Da­niel Padilla at gusto niya rin daw makatrabaho ito.

“Hindi ko kasi siya napapanood na kumakanta. Pero nu’ng napanood ko, iba ‘yung dating niya with his long legs,” sey niya tungkol kay Daniel.

Gusto rin daw mag-guest ni Ms. Reg sa “Gandang Gabi Vice” ng kaibigan niyang si Vice Ganda.

“Yeheeeeeeeeeeeeeeeyyyyy!!!! I’m the happiest!!!”­ comment ni Vice sa video ng contract signing ni Songbird na pinost ni Ogie sa Instagram.

Tuwang-tuwa rin ang iba pang ABS-CBN stars na kapamilya na nila ang Asia’s Songbird.

Kasama si Regine bilang special guest sa “ASAP Live in Sydney” na gaganapin sa Sabado sa ICC Sydney Theatre sa Australia. (Allan Diones)