Regine, Vilma, Nora naglitanya sa ABS-CBN shutdown

NI: ROLDAN CASTRO

Hindi pinalampas ni Regine Velasquez ang mga nagpipista sapagsasara ng ABS-CBN.

“Bakit ka nagbubunyi na maraming mawawalan ng trabaho??? Bakit pinagtatawanan mo ang paghihinagpis namin?? Sayo trabaho lang to sa amin kabuhayan to. Maraming pangarap na hindi matutupad dahil dito. Pero ang saya saya mong pinagdiriwang ang pagdadalamhati namin. Ano na ba ang nangyari sayo?? Hindi mo na ba alam kung pano makiramay??,” panimula ng Asia’s Songbird sa kanyang IG account.

“Oo may opinyon ka tungkol dito may mga hindi ka gusto sa palakad dito bagamat hindi ka naman naging parti ng pamilyang ito at hindi mo naman alam ang totoo. Pwede naman sigurong manahimik muna diba?? Kabawasan ba sa pagkatao mo kung maki simpatya ka??”

Patuloy pa niya, “Sa totoo lang ang pagkawala namin sa ere pwede pang hanapan ng sulusyon. Ang mga mawawalan ng trabaho pweding humanap ng ibang pagkakakitaan mahirap pero kaya naman. Pero nais naming manatili dito dahil una ito na ang buhay namin at dito tinuring kaming totoong kapamilya. Lahat ng problemang kinakaharap namin kayang mahanapan ng sulosyon sa awa ng Pangnoon. Ang pananahimik namin ay hindi habang buhay babalik kami na mas malakas at mas maingay.

“Pero Ikaw na hindi na marunong makiramay, ikaw na hindi na alam kung pano pa maging mabuting tao,ikaw na napuno nalamang ng puot,ikaw na nalimutan nang MAGPAKATAO…….

“Pagkatapos ng mga pagsubok na ito mag babalik kami na mas maningning. Pero ikaw hangang dyan ka na lang.

“Sa katulad mong walang awa,sa katulad mo na ikinatutuwa ang paghihirap ng iba WALA KA NANG PAGASA!!! Naaawa ako sayo dahil pinili mong manatili sa mondo mong maliit pinili mong mag pakain sa sistema. Gayun paman ipagdatasal parin kita na sana mahanap mong muli ang iyong puso. God bless Po,” lahad ni Regine.

Ang Star For All Seasons na si Vilma Santos ay may post din sa kanyang IG account

“HINDI AKO MAGPAPAALAM DAHIL ALAM KONG MAGBABALIK KAYO!!! MABUHAY ABS-CBN.”

Nag-aalala rin ang aktres-politician na maraming mawawalan ng trabaho lalo’t nahaharap tayo ngayon sa health crisis.

Ayon naman sa statement ni Nora Aunor: “Bilang nagtrabaho rin sa ABS-CBN ng marami ring taon mula pa sa radyo hanggang sa telebisyon ay nakaramdam ako ng lungkot sa pagsasara nito,” bungad niya.

Sey pa ni Ate Guy: “Nasa GMA 7 man ako ngayon na hindi ako pinababayaan.Naisip ko ang mga taong maaapektuhan sa pangyayaring ito. Naniniwala ako na sa panahong ito ay dapat magmalasakitan ang bawat isa, Kapuso man o Kapamilya.

“Alam kong maraming mga empleyado ng kompanya na mawawalan ng trabaho at kawawa ang kanilang mga pamilya na umaasa lamang sa network. At sana hindi ito nangyari sa panahong dumadaan tayo sa krisis dulot ng COVID-19.

Ako ay lubos na umaasa na malalagpasan ng ABS-CBN ang suliraning ito na dumating sa kanila. Sana ay muling makapagtrabaho ang kanilang mga talent, empleyado lalo na ‘yung mga maliliit na manggagawa nila.”