Registration sa Civil Service exam para sa OFWs niluwagan

Niluwagan ng Civil Service Commission (CSC) ang registration sa mga Overseas Filipino Wor­kers (OFWs) na gustong kumuha ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT).

Inanunsyo kahapon ng CSC na pwede nang mag-apply ng CSE-PPT para sa Professional at Sub-Professional level ang mga OFWs na nasa Hongkong at Macau sa pamamagitan ng online registration.

Bukas ang examination sa lahat ng OFWs sa Hongkong at Macau na nasa 18 taong gulang pataas.

Paalala ng CSC, ang online registration ay magtatapos sa Nobyembre 13, 2016 at nakatakda ang pagsusulit sa Nobyembre 27 at isasagawa ito sa Hongkong.

Sa mga OFWs, kaila­ngan lamang mag-provide ng original at photocopy ng CS Form 100, 4 pieces na passport sized ID pictures (white background), original at photocopy ng valid Philippine Passport at original at photocopy ng bank deposit slip o proof of payment para sa P1,500 na registration fee.